Diskurso PH
Translate the website into your language:

Piso, lumagapak sa all-time record low na ₱59.13:$1; isyu ng flood control, isa sa mga salarin

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-29 09:48:53 Piso, lumagapak sa all-time record low na ₱59.13:$1; isyu ng flood control, isa sa mga salarin

OKTUBRE 29, 2025 — Bumagsak ang halaga ng piso sa panibagong rekord na ₱59.13 kada dolyar nitong Martes, Oktubre 28, sa gitna ng lumalalang kontrobersya sa paggasta para sa mga flood control projects ng gobyerno.

Ayon sa datos ng Bankers Association of the Philippines (BAP), ang lokal na pera ay nagsara sa ₱59.13 mula sa ₱58.9 noong Lunes, Oktubre 27. Naabot din nito ang intraday low na ₱59.20, ang pinakamahina sa kasaysayan ng piso.

Itinuturo ng mga ekonomista ang isyu sa flood control bilang isa sa mga factors sa pagbagsak ng piso. Noong Agosto, ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng ₱545-bilyong pondo para sa flood control ay napunta lamang sa 15 kontratista. Tinawag niya itong “disturbing assessment.”

Sa pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sinabi nitong ang pagbaba ng piso ay maaaring senyales ng “market concerns over a potential moderation in economic growth due in part to the infra spending controversy” (pag-aalala ng merkado sa posibleng paghina ng ekonomiya dulot ng kontrobersya sa paggasta sa imprastruktura).

Dagdag pa ng BSP, “We continue to maintain robust reserves. When we do participate in the market, it is largely to dampen inflationary swings in the exchange rate over time rather than prevent day-to-day volatility.” 

(Patuloy naming pinananatili ang matatag na reserba. Kapag kami’y nakikialam sa merkado, ito’y para lamang pahupain ang inflation sa palitan ng piso at dolyar sa paglipas ng panahon, hindi upang pigilan ang araw-araw na pagbabago.)

Binanggit din ng BSP na ang pagbaba ng piso ay maaaring dulot ng inaasahang karagdagang pagluwag sa monetary policy, matapos nitong ibaba ang key borrowing rate sa 4.75% — ang pinakamababa sa loob ng tatlong taon.

Para naman kay Michael Ricafort, chief economist ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC), ang “local political noises” ay nakakaapekto sa kumpiyansa ng merkado. 

“The US dollar/peso exchange rate breached above 59.00 … after local market sentiment [was] partly weighed [down] by local political noises in recent weeks as a potential distraction on the economy/reforms,” aniya,

(Lumampas sa 59.00 ang palitan ng dolyar/piso … matapos maapektuhan ang lokal na sentimyento ng merkado ng mga ingay sa politika nitong mga nakaraang linggo na posibleng sagabal sa ekonomiya at mga reporma.)

Dagdag pa ni Ricafort, ang pagpapabuti sa pamamahala ay dapat isentro sa “anti-corruption/anti-leakage, anti-wastage on government spending, especially on infrastructure” (laban sa korapsyon, pagtagas ng pondo, at pag-aaksaya sa gastusin ng gobyerno, lalo na sa imprastruktura).

Samantala, sinabi ni Reinielle Matt Erece ng Oikonomia Advisory and Research Inc. na posibleng magbenta ng dolyar ang BSP upang pigilan ang pag-abot ng palitan sa ₱60:$1. 

“The central bank could intervene against the growing strength of the US dollar by selling off dollar reserves to keep the exchange rate from reaching ₱60:$1,” paliwanag niya.

(Maaaring makialam ang central bank laban sa lumalakas na dolyar sa pamamagitan ng pagbebenta ng reserbang dolyar upang pigilan ang pag-abot ng palitan sa ₱60:$1.)

Bagama’t may inaasahang pagtaas ng dolyar mula sa Undas at Pasko, nananatiling sensitibo ang merkado sa mga isyung panloob at pandaigdig. 

Ayon kay John Paolo Rivera ng PIDS, ang pagbaba ng piso ay dulot ng “delayed rate cuts abroad, a surprise policy-rate easing by the BSP that may have spooked markets, and persistent risk-off sentiment tied to governance and external shocks” (naantalang pagbawas ng rate sa ibang bansa, biglaang pagluwag ng BSP na maaaring nakagulat sa merkado, at patuloy na pag-iwas sa panganib dulot ng pamahalaan at panlabas na salik).

Sa kabila ng lahat, inaasahan ni Rivera na mananatili sa pagitan ng ₱58.5 hanggang ₱59.5 ang palitan sa mga susunod na linggo, habang hinihintay ng merkado ang malinaw na direksyon mula sa US Federal Reserve at datos sa kalakalan ng bansa.

(Larawan: Facebook)