Apple Pay, Google Pay integration sa PH cards, inaasahang magsisimula sa 2026
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-03 16:22:52
NOBYEMBRE 3, 2025 — Pinaghahandaan na ng mga bangko sa Pilipinas ang teknolohiyang kinakailangan para maisama ang Apple Pay at Google Pay sa mga lokal na debit at credit card. Isa sa mga pangunahing hakbang ay ang tinatawag na “tokenization” — isang proseso kung saan papalitan ang aktwal na card details ng isang alternatibong numero bago ito i-save sa device ng user.
Ayon kay Jose Teodoro “TG” Limcaoco, presidente ng Bank of the Philippine Islands (BPI), mahalagang ma-tokenize muna ang mga card bago ito maging compatible sa mga contactless payment platform.
“What they have to do is make sure the banks who want to participate have their card products capable of being tokenized,” aniya.
(Ang kailangan nilang gawin ay tiyaking ang mga bangkong gustong sumali ay may card products na kayang i-tokenize.)
Nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi kailangang magparehistro bilang payment service provider ang Apple Pay at Google Pay dahil hindi sila humahawak ng pondo ng mga user sa bansa. Sa halip, responsibilidad ng mga bangko at e-wallet providers ang pagsuporta sa mga platform.
Sa kasalukuyan, hindi pa handa ang BPI na magpatupad ng tokenization, ngunit inaasahan ni Limcaoco na posibleng maisakatuparan ito sa susunod na taon.
“I cannot tell because it’s different. Kaya next year,” aniya.
(Hindi ko masabi dahil iba-iba. Kaya siguro sa susunod na taon.)
Dagdag pa niya, hindi magiging epektibo ang paglulunsad kung iisa lang ang bangkong sasali.
“It’s crazy if one of them launches with just one bank. They want as many people to be able to participate,” paliwanag niya.
(Kalokohan kung isa lang ang bangkong maglulunsad. Gusto nila, maraming makasali.)
Ang lokal na kumpanyang Aqwire ang naatasang magproseso ng mga transaksyon gamit ang Apple Pay at Google Pay sa bansa. Sa sandaling maisakatuparan ang tokenization, inaasahang magiging mas ligtas at mas mabilis ang digital payments gamit ang mga smartphone at smartwatch ng mga Pilipino.
(Larawan: Reddit)
