Diskurso PH
Translate the website into your language:

2 Pinay, pasok sa 2025 Forbes Asia’s 2025 ‘Power Businesswomen’ list

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-05 18:47:15 2 Pinay, pasok sa 2025 Forbes Asia’s 2025 ‘Power Businesswomen’ list

NOBYEMBRE 5, 2025 — Dalawang Filipina ang kinilala ng Forbes Asia sa kanilang 2025 Power Businesswomen list, na nagtatampok sa 20 kababaihang lider sa rehiyon na may malaking ambag sa pagbabago at pag-unlad ng negosyo sa Asya.

Isa sa mga napili ay si Mybelle Aragon-Gobio, presidente at CEO ng Robinsons Land Corporation. Siya ang kauna-unahang babae at hindi miyembro ng pamilya Gokongwei na namuno sa real estate arm ng grupo. Mula sa pagiging administrative assistant noong 1993, pinangunahan niya kalaunan ang logistics division at ilang residential at office projects ng kompanya.

Noong Mayo, inilatag ni Gobio ang limang taong plano ng Robinsons Land na nagkakahalaga ng ₱125 bilyon. Target nitong ma-doble ang netong kita sa ₱25 bilyon pagsapit ng 2030, dagdagan ang bilang ng malls mula 55 tungong 69, at palawakin ang office space ng 50% o katumbas ng 1.2 milyong metro kwadrado ng paupahang espasyo.

Kasama rin sa listahan si Mariana Zobel de Ayala, managing director ng Ayala Corporation. Siya ang ika-walong henerasyon ng pamilyang Ayala na kasalukuyang nangangasiwa sa leasing at hospitality segment ng Ayala Land Inc.

Pinangungunahan ni Zobel ang ₱17.5-bilyong redevelopment program ng mga pangunahing mall gaya ng Greenbelt 2, Glorietta, TriNoMa, at Ayala Center Cebu. Noong Agosto, nakakuha ang Ayala Land ng $224-milyong loan mula sa International Finance Corporation (IFC) para sa konstruksyon ng dalawang bagong mall.

Layunin ng Ayala Malls na magdagdag ng higit 700,000 metro kwadrado ng gross leasable area sa susunod na limang taon, kabilang ang Parklinks — isang joint venture sa Eton Properties sa Quezon City at Pasig.

Ayon kay Rana Wehbe Watson, editorial director ng Forbes Asia, “The women on this year’s Forbes Asia’s Power Businesswomen list are not just adapting to change, but actively shaping the future of the region’s business landscape.” 

(Ang mga kababaihan sa Forbes Asia Power Businesswomen list ngayong taon ay hindi lang basta umaangkop sa pagbabago, kundi aktibong hinuhubog ang kinabukasan ng negosyo sa rehiyon.)

(Larawan: Forbes)