Diskurso PH
Translate the website into your language:

Inabandonang sanggol na Elepante, nailigtas sa Lam Khlong Ngu National Park

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-22 21:51:04 Inabandonang sanggol na Elepante, nailigtas sa Lam Khlong Ngu National Park

Thailand — Isang sanggol na elepante ang nailigtas matapos itong iwan ng kanyang ina sa kagubatan ng Lam Khlong Ngu National Park, ayon sa ulat ng Department of National Parks, Wildlife and Plant Conservation.

Natagpuan ang anak-elepante dakong alas-2 ng hapon noong Setyembre 22, sa mahinang kondisyon at may bali sa likod pati iba pang pinsala. Agad itong dinala ng mga tagapagbantay ng kalikasan sa Conservation Area Management Office 3 (Ban Pong) para sa agarang gamutan at pangangalaga.

Sa isang pahayag, sinabi ni G. Atthaphon Charoenchansa, Director-General ng Department of National Parks, Wildlife and Plant Conservation, na nakatanggap siya ng ulat mula kay G. Chutidet Kamanchanut, Direktor ng Office of Natural Resources and Environmental Policy and Planning Region 3, hinggil sa insidente.

“Agad na kumilos ang aming team upang masiguro ang kaligtasan ng anak-elepante. Sa ngayon ay binibigyan ito ng kinakailangang atensyong medikal,” ani Charoenchansa.

Ayon sa mga wildlife experts, posibleng iniwan ng ina ang sanggol matapos manganak dahil sa pisikal na kapansanan o kahinaan nito. Bagama’t natural na ugali ng mga elepante na protektahan ang kanilang mga anak, may ilang pagkakataon na iniiwan ang supling kapag mahina at hindi kayang makasabay sa kawan.

Para sa mga rescuer, nakakaantig ang eksena nang matagpuan nila ang mahina at halos walang lakas na elepante sa gitna ng kagubatan.

“Parang umiiyak siya habang nakahandusay. Ginawa namin ang lahat para maisalba siya dahil may karapatan din siyang mabuhay,” ani isa sa mga miyembro ng rescue team.

Sa ngayon, patuloy na tinutukan ng mga beterinaryo at tagapangalaga ang paggaling ng sanggol na elepante. Pinapainom ito ng gatas at gamot, habang binabantayan ang kalagayan sa isang ligtas na pasilidad.

Ipinahayag naman ng mga awtoridad ang pag-asa na, sa kabila ng pinsalang tinamo nito, ay makakarekober ang anak-elepante. Layunin ng mga tagapangalaga na sa oras na lumakas ito ay muling maibalik sa natural na tirahan, kung saan maaari pa rin itong mamuhay nang ligtas.

larawan/google