Kinikilala ng France ang Estado ng Palestine, Macron nanawagan sa tigil-putukan at pagpapalaya ng mga hostage sa Gaza
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-23 10:33:22
New York City, USA — Sa isang espesyal na sesyon ng United Nations General Assembly (UNGA) ngayon Setyembre 23, hinggil sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Palestine, opisyal na inihayag ni French President Emmanuel Macron na kinikilala na ng France ang estado ng Palestine.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Macron na mahalagang hakbang ito tungo sa makatarungan at pangmatagalang solusyon sa matagal nang hidwaan sa Gitnang Silangan. Giit niya, ang pagkilala ay “hindi lamang simboliko kundi konkretong suporta” sa karapatan ng mga Palestinian na magkaroon ng sariling pambansang estado.
Samantala, sinabi ni Macron na kikilalanin din ng Belgium, Luxembourg, Malta, Andorra at San Marino ang estado ng Palestine, kasunod ng mga anunsyo ng United Kingdom, Portugal, Canada at Australia noong Linggo.
Kasabay ng anunsiyo, nanawagan din si Macron para sa agarang tigil-putukan sa Gaza at sa pagpapalaya ng lahat ng mga hostage na hawak ng mga armadong grupo. Ayon sa kanya, walang makakamtan na kapayapaan kung hindi muna matitigil ang karahasan at kung patuloy na maaapektuhan ang mga sibilyan.
Ang desisyon ng France ay inaasahang magdudulot ng matinding reaksiyon mula sa iba’t ibang bansa, lalo na mula sa Israel at mga kaalyado nito. Sa kabilang banda, ikinagalak naman ito ng ilang bansang miyembro ng UN na matagal nang nananawagan para sa pagkilala sa Palestine bilang isang malayang estado.
Bago ang pahayag ni Macron, ilan pang bansa sa Europa at iba’t ibang rehiyon ang opisyal nang kumikilala sa statehood ng Palestine. Sa kabila nito, nananatiling hati ang pandaigdigang komunidad ukol sa isyu, partikular sa usapin ng seguridad, hangganan, at karapatan ng parehong mga Israeli at Palestinian.
Nagpahayag ang Pranses na lider na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa mga pandaigdigang institusyon at mga katuwang na bansa upang isulong ang diplomasya at maiwasan ang lalo pang paglala ng krisis.
larawan/ google