Babae, na-trap sa isang clear tube waterslide sa gitna ng karagatan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-24 00:42:45
Setyembre 24 — Kumalat sa social media ang isang nakakakabang insidente matapos ma-trap ang isang babae sa loob ng clear tube waterslide ng isang cruise ship. Ang video, na ibinahagi sa TikTok ng user na si @kaylamierzejewski, ay agad na umani ng milyon-milyong views at komento mula sa mga netizens.
Sa kuha, makikitang nakahinto sa gitna ng slide ang babae, iniunat ang kanyang mga braso at pilit na naghahanap ng paraan upang makalabas. Ayon sa ulat ng PEOPLE Magazine, ang barko ay kahawig ng Bliss ship ng Norwegian Cruise Line. Batay naman sa Cruisemapper, nangyari ang insidente noong Setyembre 19 habang nasa round-trip Alaskan cruise ito malapit sa baybayin ng Canada.
Ang naturang slide ay tinatawag na Ocean Loops, isang double loop drop slide na may taas na 11 feet mula sa gilid ng barko at 159 feet mula sa ibabaw ng dagat. Kabilang sa safety requirements nito ang minimum height na 40 inches at weight limit na 120–300 pounds. Sa atraksyong ito, nakatayo ang rider sa isang trap door na biglang bumubukas upang ihulog sila sa dalawang loop bago tuluyang bumagsak sa splash pool.
Isang TikTok commenter ang nagsabi na may nakahandang emergency hatch na maaaring gamitin kung sakaling maipit ang isang tao sa slide. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Norwegian Cruise Line tungkol sa pangyayari, ngunit marami ang nagpahayag ng pagkabahala at takot sa social media—na tinawag pa itong “new fear unlocked.” (Larawan: kaylamierzejewski / Tiktok)