US, binawi ang libu-libong visa dahil sa krimen, aktibismo, social media posts
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-06 20:20:46
NOBYEMBRE 6, 2025 — Binawi ng administrasyong Trump ang mahigit 80,000 non-immigrant visa mula Enero, ayon sa isang opisyal ng US State Department. Kabilang sa mga dahilan ang mga kasong kriminal, paglabag sa visa rules, at mga post sa social media na itinuturing ng Washington na banta sa pambansang interes.
Ayon sa opisyal, halos kalahati ng mga kanseladong visa ay may kaugnayan sa tatlong pangunahing krimen: 16,000 sa mga ito ay dahil sa driving under the influence (DUI), 12,000 sa assault, at 8,000 sa theft.
Bukod sa mga kasong kriminal, mahigit 6,000 student visa ang binawi noong Agosto dahil sa overstaying at paglabag sa batas. Ilan sa mga ito ay iniuugnay sa umano’y “support for terrorism,” ayon sa tagapagsalita ng State Department.
Noong nakaraang buwan, anim na visa ang binawi dahil sa mga komento sa social media kaugnay ng pagpatay sa konserbatibong aktibista na si Charlie Kirk. Hindi tinukoy kung anong klaseng mga komento ang naging batayan ng kanselasyon.
Sa isang pahayag noong Mayo, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio: “I have revoked the visas of hundreds, perhaps thousands, of people, including students, because of involvement in activities that go against US foreign policy priorities.”
(Binawi ko ang visa ng daan-daang, marahil libu-libong tao, kabilang ang mga estudyante, dahil sa pakikilahok sa mga aktibidad na salungat sa mga prayoridad ng foreign policy ng US.)
Naglabas din ng direktiba ang State Department sa mga embahada ng Amerika sa ibang bansa upang maging mas mapanuri sa mga aplikanteng may kasaysayan ng aktibismo o pananaw na itinuturing na kontra-US.
Ayon sa mga opisyal, pati mga may green card at student visa ay maaaring ipa-deport kung sila’y nagpapahayag ng suporta sa mga Palestino o pumupuna sa kilos ng Israel sa Gaza. Tinukoy ng administrasyon ang ganitong mga pahayag bilang “pro-Hamas” at banta sa pambansang patakaran.
Ang malawakang kanselasyon ng visa ay bahagi ng mas mahigpit na immigration crackdown ng administrasyong Trump, na sinimulan sa unang araw ng kanyang panunungkulan.
(Larawan: Yahoo)
