‘Feeling ko magse-settle down na ako’ — Angel Guardian, ready na nga bang magpakasal?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-31 21:16:13
MANILA — Humakot ng atensyon ang Kapuso actress at Encantadia Chronicles: Sang’gre star na si Angel Guardian nang ipahayag niya ang kanyang saloobin tungkol sa isyu ng maagang pagpapakasal. Ito ay nangyari sa segment ng Running Man Philippines na tinawag na House of Honorables nitong Sabado, Agosto 30, kung saan nakasama niya si Lexi Gonzales sa sesyon nina Chariz Solomon at Buboy Villar.
Sa temang “In Aid of Marrying Early: For Better or for Worse,” nagbigay ng matapat na pananaw si Angel tungkol sa kahalagahan ng tamang oras at paghahanda bago magpakasal.
“Ngayon sa generation natin, kung mapapansin mo medyo iba na ‘yung pananaw nila sa pagpapakasal nang maaga. Kaya nag-iba na rin ‘yung statistics—ngayon 28 to 30 na, ideally 25. And I think kung ako siguro, kung sa estado ng buhay ko ngayon e okay na ako financially, mentally, feeling ko magse-settle down na ako, like may ganun na ‘ko,” ani Angel.
Gayunman, nilinaw niya na sa edad niyang 26 years old, hindi pa niya nakikita ang sarili na magpakasal dahil marami pa siyang personal na priorities at career goals.
“Hindi pa kasi ang dami ko pang priorities na ibang bagay na gusto ko pang gawin. Like what you said, na-realize mo na ang dami mo palang hindi na-experience because you married or commit early,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Angel na ang mga tao sa kanilang 20s ay dumadaan pa sa maraming pagbabago at gustong tuklasin ang iba’t ibang aspeto ng buhay. Aniya, ito rin ang nagiging sanhi ng mga hindi pagkakaunawaan sa maagang pag-aasawa.
“Kapag nagpapakasal ka ng maaga, minsan nagiging isyu rin kasi yes, masaya na kasama mo partner mo or soulmate mo, growing together. Pero may mga changes pa e in your 20s, sobrang dami mo pang gustong i-explore like career changes. Minsan hindi na kayo nagko-connect at hindi na napapagusapan ng maayos—at ‘yun ang nauuwi sa hiwalayan o divorce.”
Sa pamamagitan ng kanyang pahayag, ipinakita ni Angel Guardian ang isang makabagong pananaw ng kabataan tungkol sa kasal—na hindi lamang ito tungkol sa pag-ibig, kundi sa pagiging handa, matatag, at buo ang isip bago pumasok sa panghabambuhay na commitment. (Larawan: IMDb / Google)