Diskurso PH
Translate the website into your language:

Heart Evangelista, biktima ng fake news; Sparkle, todo depensa

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-28 11:44:03 Heart Evangelista, biktima ng fake news; Sparkle, todo depensa

SETYEMBRE 28, 2025 — Hindi pa man nagsasalita si Heart Evangelista, kumilos na agad ang Sparkle GMA Artist Center para linisin ang pangalan ng aktres matapos kumalat ang balitang diumano’y iniwan na siya ng mga international brands na FitFlop at Tiger Balm.

Sa isang matapang na post sa social media, pinatampok ng Sparkle ang screenshot ng pekeng ulat na may malaking tatak na “FAKE.” 

Kasama nito ang babala: “FAKE NEWS ALERT! THIS IS NOT TRUE!” 

(Babala sa pekeng balita! Hindi ito totoo!)

Dagdag pa ng agency, “Don’t be fooled by fake news! Always be vigilant when reading articles online.” 

(Huwag magpaloko sa pekeng balita! Maging mapanuri sa pagbasa ng mga artikulo online.)

Ang nasabing tsismis ay ikinabit pa sa pangalan ng asawa ni Heart na si Sen. Chiz Escudero, na kamakailan ay nadawit sa alegasyon ng anomalya sa flood-control projects. Mariin naman itong pinabulaanan ng senador.

Samantala, si Heart ay nanindigan sa kanyang sariling karera. Sa gitna ng mga batikos, iginiit niyang may prenup sila ni Escudero at may hiwalay silang ari-arian. 

“My number one power was my job,” giit niya.

(Ang pinakamalaking kapangyarihan ko ay ang trabaho ko.)

Hindi rin siya dumalo sa Sept. 21 rally kontra korapsyon dahil sa banta ng kahihiyan. 

“It was due to threats that people would strip me naked,” pagbabahagi niya.

(Dahil sa bantang huhubaran ako ng mga tao.)

Bukod pa rito, inanunsyo ni Heart na hindi siya pupunta sa Spring and Summer 2026 Fashion Week bilang pakikiisa sa sitwasyon ng bansa. 

“I don’t think it’s the right time for anyone, especially for our country, to be going to Fashion Week because I think we need to be here,” paglalahad ng aktres.

(Hindi ito ang tamang panahon, lalo na para sa ating bansa, para pumunta sa Fashion Week. Sa tingin ko, dapat nandito tayo.)

Sa kabila ng lahat, nananatiling tahimik si Heart tungkol sa isyu ng endorsements — pero mukhang sapat na ang kilos ng Sparkle para ipagtanggol siya.

Ang Diskurso ay nakapaglabas din ng artikulong kahalintulad ng maling ulat. Humihingi kami ng paumanhin sa pagkakalathala nito. Ito’y titingnan naming isang hamon para maging mas masusi sa pagberipika ng impormasyon upang maiwasan ang pagkalat ng hindi beripikadong balita.

(Larawan: @sparklegmaartistcenter | Instagram)