Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Good vs. bad nepo baby’ — debate sa gitna ng flood control issue, pinag-usapan sa internet

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-30 01:19:13 ‘Good vs. bad nepo baby’ — debate sa gitna ng flood control issue, pinag-usapan sa internet

MANILA — Nag-viral sa TikTok ang isang video kung saan tatlong kabataan ang ininterbyu tungkol sa dalawang mainit na usapin: ang kontrobersyal na flood control projects at ang ideya ng pagiging “nepo baby.”

Unang tinanong ng content creator ang kanilang saloobin sa flood control issue. Diretsahan ang sagot ng isang dalaga na nakasuot ng yellow ID lace:

“Sana makulong na lahat ng kurakot!”

Kasunod nito, tinanong naman sila kung papayag ba silang makipag-date sa isang “nepo baby.” Sabay-sabay na umiling ang kanyang mga kaibigan at nagsabi ng, “NO! NEVER!!”

Ngunit iba ang naging tugon ng dalagang naka-yellow lace:

“It depends if they’re good nepo baby or bad nepo baby.”

Nang tanungin kung ano ang ibig sabihin nito, ipinaliwanag niya na nakadepende raw ito kung saan nanggaling ang yaman. Kung mula sa pagsisikap at marangal na trabaho ng mga magulang, maituturing na “good nepo baby.” Ngunit kung galing sa iligal o kwestyonableng paraan—lalo na kung konektado sa pulitika at katiwalian—ito ang “bad nepo baby.”

Mabilis na nagdulot ng diskusyon ang video online. Marami ang pumabor sa pananaw ng dalaga, na nagpaliwanag ng mas balanseng pagtingin sa konsepto ng “nepo baby.” Ayon sa ilang netizens, madalas ay negatibo agad ang impresyon sa mga anak ng may impluwensiya dahil naiuugnay ito sa mga isyung politikal at katiwalian.

Gayunpaman, ipinunto ng iba na hindi lahat ng “nepo babies” ay pare-pareho. May mga anak na lumaking may pribilehiyo dahil sa pagsisikap ng kanilang mga magulang, hindi dahil sa anomalya o maling paggamit ng pera ng bayan.

Samantala, ang hirit naman ng dalagang naka-yellow lace sa flood control issue—“makulong lahat ng kurakot”—ay lalo pang nagpaigting sa interes ng mga manonood, dahil tumugma ito sa damdamin ng maraming Pilipino na sawa na sa paulit-ulit na isyu ng korapsyon. (Larawan: Kim ELvina / Facebook)