Walang forever — Nicole Kidman, Keith Urban hiwalay na matapos ang 19 taon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-30 12:09:51
SETYEMBRE 30, 2025 — Matapos ang halos dalawang dekada ng pagsasama, kumpirmado na ang paghihiwalay nina Nicole Kidman at Keith Urban — isang balitang ikinagulat ng Hollywood at ng kanilang mga tagahanga.
Ayon sa ulat ng TMZ at PEOPLE, matagal nang hiwalay ang tirahan ng dalawa simula pa noong tag-init. Si Urban ay lumipat na sa sarili niyang bahay sa Nashville, habang si Kidman naman ay nananatili sa kanilang dating tahanan kasama ang dalawang anak na sina Sunday Rose (17) at Faith Margaret (14).
Hindi malinaw ang dahilan ng kanilang hiwalayan, pero ayon sa isang source, “She didn’t want this. She has been fighting to save the marriage.”
(Hindi niya [Kidman] ginusto ito. Matagal na niyang nilalabanan para maisalba ang kanilang pagsasama.)
Sa kabila ng mga pagsubok, matagal ding naging matatag ang relasyon ng dalawa. Matatandaang ilang buwan matapos silang ikasal noong 2006, kusang pumasok si Urban sa rehab dahil sa problema sa droga at alak.
Sa isang panayam sa Oprah noong 2010, sinabi ni Urban: “Everything was just designed, I believe, for that moment to fuse us together.”
(Naniniwala akong lahat ay itinakda para sa sandaling iyon upang pag-isahin kami.)
Sa parehong panayam, inamin din niya ang malaking papel ni Kidman sa kanyang pagbabago: “I look back now and realize Nic has taught me so much and brought so much into my life and opened my eyes in so many ways.”
(Ngayon, napagtanto ko kung gaano karami ang itinuro ni Nic sa akin at kung paano niya binuksan ang aking mga mata sa maraming bagay.)
Kamakailan lang ay nagdiwang pa sila ng anibersaryo noong Hunyo 25, kung saan nag-post si Kidman ng larawan nila sa Instagram na may caption na “Happy Anniversary Baby ❤️ @KeithUrban.”
Habang abala si Kidman sa pagtatapos ng pelikulang “Practical Magic 2” sa London, si Urban naman ay nasa gitna ng kanyang concert tour para sa album na “High.”
Sa ngayon, nananatiling tahimik ang magkabilang kampo.
(Larawan: @nicolekidman | Instagram)