Ang simpleng gawaing-bahay, susi sa tagumpay ayon sa mga eksperto?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-30 01:27:53
MANILA — Hindi lamang sa edukasyon o oportunidad sa trabaho nagsisimula ang tagumpay sa pagtanda. Ayon sa mga pag-aaral, madalas itong nakaugat sa maliliit na habit o gawi na nabubuo pa noong pagkabata—tulad ng simpleng paggawa ng mga gawaing bahay.
Lumabas sa mga pananaliksik na ang mga batang regular na tumutulong sa paglilinis, pagluluto, o pag-aayos ng gamit ay mas nagiging responsable, independent, at resilient pagdating ng adulthood. Ang bawat simpleng gawain ay nagtuturo ng accountability at nagpaparamdam na mahalaga ang kanilang ambag, na siya namang nakakapagpatibay ng self-worth at disiplina.
Higit pa rito, nakukuha rin nila ang kasanayang kritikal sa hinaharap—problem-solving, time management, at persistence—na tuwirang nakakaapekto sa pag-aaral, pag-unlad sa karera, at personal na tagumpay.
Ayon sa mga eksperto, hindi lang personal growth ang naidudulot ng chores kundi pati empathy at teamwork. Kapag natutong makiisa ang mga bata sa gawaing pambahay, mas nauunawaan nila na ang buhay pamilya ay nakabatay sa pagtutulungan at hindi sa entitlement. Ang ganitong mindset ay naipapasa nila sa pakikitungo sa kaibigan, sa propesyon, at maging sa sariling pamilya balang araw.
Bagama’t may ilang magulang na nangangamba na baka maka-distract ang chores sa pag-aaral o paglalaro, ipinapakita ng mga pag-aaral na kabaligtaran ang totoo. Ang mga batang lumalaki na may balanseng routine—na may oras para sa aral, laro, at gawaing bahay—ay mas handa sa mga hamon ng buhay.
Hindi ito tungkol sa pagbibigay ng pasanin, kundi sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga bata. Kapag natutong alagaan ng isang bata ang kanyang espasyo, mas malaki ang tsansang lumaki siyang adult na kayang alagaan ang sarili, ang iba, at ang kanyang kinabukasan.
Ang tila maliliit na gawain sa araw-araw ay maaari palang maging matibay na pundasyon ng kumpiyansa, tatag, at tagumpay sa hinaharap. (Larawan: Family Felicity / Google)