Philippine Film Heritage Building sa Intramuros, biktima din ng korapsyon sa DPWH
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-28 19:16:19
SETYEMBRE 28, 2025 — Hindi pa man naiturn-over, sira na.
Ito ang kalagayan ng Philippine Film Heritage Building sa Intramuros, Manila — isang proyektong dapat sana’y sentro ng pagsagip at pagsasaayos ng mga lumang pelikula sa bansa. Ngunit ayon kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair Jose Javier Reyes, imbes na maging tagapagligtas ng kasaysayan, naging simbolo ito ng kapabayaan.
“Korapsyon ‘yan at biktima kami,” ani Reyes.
Sa seremonya ng pagtatapos ng Philippine Film Industry Month, ibinunyag ni Reyes ang mga depekto ng gusali: tagas, bitak, at hindi pa tapos na konstruksyon. Pinakamatindi, baha sa vaults at may amag sa mga palikuran kahit hindi pa ito nagagamit.
“Hindi pa kami lumilipat, pero may amag na sa banyo. Saan ka makakakita ng ganon?” tanong ni Reyes. “Inamin sa Senate hearing na substandard lahat ng proyekto nila.”
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may hawak ng proyekto.
“Ipinaubaya na namin ‘yan sa DPWH,” ani Reyes.
Maging si First Lady Liza Araneta-Marcos ay nagpahayag ng pagkadismaya matapos ang inspeksyon. Tinawag niya itong “rotten monument of incompetence.”
Sa kabila ng gusot, tuloy ang trabaho ng FDCP. Aprubado na ang budget ng ahensya, bagamat kulang pa rin.
“Kailangan pa namin ng ₱200 million para sa incentives at restoration. Sana mabigyan kahit kaunti,” ani Reyes.
Dagdag pa niya, madalas siyang mag-abono.
“Ako as FDCP chair, madalas nagaabono ako dahil kulang ang binibigay,” pagbabahagi ni Reyes.
Kahit nasa Busan International Film Festival, nakatutok pa rin ang FDCP sa mga kaganapan sa Pilipinas.
“We were in Busan during the Sept. 21 rallies, but we were watching. All of us at FDCP wore white in solidarity,” ani Reyes.
(Nasa Busan kami noong Sept. 21 rallies, pero nakatutok kami. Lahat kami sa FDCP ay nakasuot ng puti bilang pakikiisa.)
(Larawan: Philippine News Agency)