Selena Gomez at Benny Blanco, kinasal na!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-28 18:50:45
SETYEMBRE 28, 2025 — Hindi man engrande, pero punong-puno ng emosyon ang naging kasalan nina Selena Gomez at Benny Blanco nitong Setyembre 27 sa Southern California. Sa piling ng mga kaibigan at pamilya, opisyal nang naging mag-asawa ang singer-actress at ang Grammy-winning producer — dalawang taon matapos magsimula ang kanilang relasyon.
Sa Instagram, ibinahagi ni Selena ang ilang larawan at video mula sa araw ng kanilang kasal. Suot niya ang isang eleganteng satin gown na may halterneck at lace details, habang si Benny ay naka-classic tuxedo na may puting button-down shirt na may kaparehong lace accent.
Walang mahabang caption, kundi ang petsa ng kasal at dalawang white heart emoji. Pero sapat na ‘yon para magpakilig sa fans.
Sa comments, sinagot ni Benny ang post sa isang simple pero nakakakilig na linya: “My wife in real life.”
(Ang asawa ko sa totoong buhay.)
Matatandaang noong Disyembre 2024, nag-propose si Benny sa isang picnic date na may Taco Bell sa tabi. Ipinakita ni Selena ang kanyang marquise-cut diamond ring sa Instagram, sabay caption na: “Forever begins now …”
(Ngayon nagsisimula ang habangbuhay …)
Hindi rin naging madali ang wedding planning, ayon kay Benny sa isang panayam sa Rolling Stone: “I think every day she’s planned a new wedding in her head.”
(Sa tingin ko, araw-araw siyang nagpaplano ng bagong kasal sa isip niya.)
Pero hindi sila nagmadali.
“We’re very much 'take it one day at a time'-type of people. We’re still not over this moment,” dagdag pa niya.
(Tipo kami ng tao na ‘take it one day at a time.’ Hindi pa rin kami maka-get over sa sandaling ito.)
Bukod sa wedding prep, nag-collaborate din ang dalawa sa kanilang unang album na “I Said I Love You First,” na ginawa nila sa sariling recording studio sa bahay.
“That’s the most intimate I’ve ever been in a studio,” ani Selena.
(’Yan ang pinaka-intimate na karanasan ko sa studio.)
Ang album ay kwento ng kanilang pagmamahalan — mula sa pagkikita nila halos 17 taon na ang nakalipas, hanggang sa muling pagtutulungan sa musika. Isa sa mga kanta nila, “Single Soon,” ay sinimulan bago pa man sila opisyal na naging magkasintahan noong Hulyo 2023.
Sa isang interview kay Howard Stern, ikinuwento ni Benny ang kanilang unang date: “I didn’t even know it was a date … She’s like, ‘Well I would've worn something different for this date.’ And I was like, ‘What? We're on a date?’”
(Hindi ko nga alam na date pala ‘yon … Sabi niya, ‘Sana iba ang suot ko kung alam kong date ito.’ At sabi ko, ‘Ha? Date pala ito?’)
Ngayon, halos dalawang taon mula noon, kasal na sila.
“She’s truly my best friend,” ani Benny. “We laugh all f--king day. She inspires me.”
(Tunay siyang matalik kong kaibigan. Buong araw kaming nagtatawanan. Nakaka-inspire siya.)
Sa panig naman ni Selena, simple lang ang sagot niya sa Time: “It just happens when you least expect it.”
(Nangyayari ‘yan kapag hindi mo inaasahan.)
(Larawan: @selenagomez | Instagram)