TAPE, tuluyan nang nabigo sa korte; Eat Bulaga, kinilalang pag-aari ng TVJ
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-28 17:02:43
SETYEMBRE 28, 2025 — Tuluyan nang ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang hiling ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE) na muling pag-isipan ang naunang desisyon kaugnay sa kasong paglabag sa copyright na isinampa ng trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon — kilala bilang TVJ.
Sa resolusyong inilabas ng CA, kinatigan ng korte na hindi pag-aari ng TAPE ang mga audiovisual recording at jingle ng “Eat Bulaga!” at ginamit ang mga ito nang walang pahintulot mula sa tunay na maylikha.
“It was well established that the whole process of audiovisual recording of the show Eat Bulaga emanated from the creative minds of TVJ,” ayon sa dokumento ng korte.
(Matibay ang patunay na ang buong proseso ng paggawa ng audiovisual ng Eat Bulaga ay nagmula sa malikhaing isipan ng TVJ.)
Dagdag pa rito, binigyang-diin ng CA na mula sa ideya, konsepto, pagbuo, hanggang sa pag-ere ng bawat segment ng programa, dumaan ito sa pahintulot ng TVJ.
Dahil dito, inatasan ang TAPE na magbayad ng P2 milyon bilang temperate damages, P500,000 para sa exemplary damages, at P500,000 bilang bayad sa abogado.
Kinumpirma rin ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) noong Disyembre 2023 ang pagkansela ng trademark registration ng TAPE para sa “Eat Bulaga” at “EB.”
Matatandaang umalis ang TVJ sa “Eat Bulaga” noong Mayo 31, 2023, kasunod ng alitan sa pamunuan ng TAPE.
Sa pahayag mula sa opisina ni Senate President Tito Sotto, sinabi niyang, “The decision upholds the earlier ruling recognizing TVJ as the copyright owners of the materials in question.”
(Pinagtibay ng desisyon ang naunang hatol na kumikilala sa TVJ bilang may-ari ng copyright sa mga materyales na tinutukoy.)
(Larawan: TVJ | Facebook)