Kim Chiu, nagkabati na sa ate niyang si Lakam matapos ang ilang buwang tampuhan
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-04 20:23:28
Nobyembre 4, 2025 – Mukhang balik na sa maayos na samahan ang magkapatid na sina Kim Chiu at Lakam Chiu matapos ang ilang buwang hindi pagkakaunawaan.
Matatandaang naging laman ng tsismis ang magkapatid nang kumalat ang isyung naipatalo umano ni Lakam sa casino ang perang ipinagkatiwala sa kanya ni Kim. Ayon pa sa mga ulat noon, ilang beses daw nakita si Lakam sa isang hotel-casino, dahilan para umingay ang usapan tungkol sa pera.
Pero nitong araw lang, sa vlog na Showbiz Now Na nina Cristy Fermin, Wendell Alvarez, at Romel Chika, ay ibinahagi nilang nagkabati na raw sina Kim at Lakam.
“Masaya ako sa kuwentong nakarating sa atin na nagkasundo na si Kim Chiu at si Lakam. ‘Yung away nila ay hindi ipinaglantaran sa publiko — ganito dapat ang pamilya,” pahayag ni Nay Cristy.
Sang-ayon din si Romel Chika, na sinabing, “Dapat nga sila-sila ang nag-aayos, hindi ‘yung ibang tao pa ang nakikialam.”
Dagdag pa nila, kahanga-hanga raw na hindi nagsalita ng masama si Kim laban kay Lakam, at ganoon din si Lakam kay Kim. Tahimik nilang inayos ang gusot nang walang paandar sa social media — kabaligtaran sa ibang showbiz pamilya na lantaran ang sagutan online.
Hindi man inamin nina Kim o Lakam kung ano talaga ang ugat ng tampuhan, ayon kay Nay Cristy, “Ang mahalaga, may pagpapatawad na naganap. Kung nakakaya nating patawarin ang ibang tao, lalo na dapat ang kapamilya.”
Ibinunyag din ni Wendell na may auditor na raw ngayon si Kim para mas maayos na mamonitor ang kanyang finances — isang magandang hakbang daw para maiwasan ang parehong problema sa hinaharap.
Sa huli, pinuri nina Nay Cristy at mga co-host niya si Kim at Lakam sa pagpapanatili ng dignidad at katahimikan sa gitna ng intriga.
“Ang pamilya ay pamilya,” sabi pa ni Nay Cristy. “Maganda na kahit nagkaroon ng lamat, natutunan nilang ayusin ito nang sila lang. Walang patutsada, walang drama — puro pagmamahal.”
Good vibes talaga, Kimmy! Sa dami ng intriga sa showbiz, nakakatuwang makita na may mga artista pa ring marunong manahimik at magpatawad — lalo na kung dugo at pamilya na ang usapan.
