Diskurso PH
Translate the website into your language:

Nawat Itsaragrisil nag-sorry kay Miss Universe Mexico 2025 Fatima Bosch

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-11-06 00:57:16 Nawat Itsaragrisil nag-sorry kay Miss Universe Mexico 2025 Fatima Bosch

Nobyembre 6, 2025 – Matapos ang matinding kontrobersiya, humingi na ng public apology si Nawat Itsaragrisil kay Miss Universe Mexico 2025 Fatima Bosch.

Nag-viral kasi ang video kung saan makikitang ininsulto at sinigawan umano ni Nawat si Bosch sa sashing ceremony ng Miss Universe 2025 candidates, dahilan para mag-walkout ang beauty queen. Ilang kandidata rin ang nakisimpatiya at sabay na nag-walkout bilang protesta.

Ayon sa mga ulat, tinawag pa ni Nawat si Bosch na “dumb” matapos tumanggi umano ito sa isang sponsor photoshoot. Dahil dito, binatikos siya ng netizens at pageant fans sa iba’t ibang bansa.

Si Nawat, na kasalukuyang Vice President for Asia and Oceania ng Miss Universe Organization (MUO) at founder ng Miss Grand International, ay agad nag-live sa TikTok para humingi ng paumanhin.

Aniya, “I did talk and apologize to the rest of the girls in the room… If anyone felt uncomfortable, I do apologize.”

Dagdag pa niya, dala lang daw ng sobrang stress at pressure ang kanyang naging asal dahil malapit na ang grand coronation night sa Thailand sa November 21.

Nag-post din siya sa Instagram Stories at sinabing, “Sorry universe fans… my patience has a limit. I invested and tried my best to make this event fair for everyone.”

Gayunman, hindi pa rin napawi ng apology ni Nawat ang galit ng pageant community. Maging si MUO President Raul Rocha ay nagpahayag ng pagkadismaya at kinondena ang ginawa ni Nawat.

Ayon kay Rocha, “I would like to make it clear my great indignation toward Nawat for the public aggression he committed against Fatima Bosch… NAWAT, YOU NEED TO STOP. Every woman in the world should be respected.”

Kasunod nito, nangako si Nawat na personal na makikipagpulong sa Miss Universe Mexico Organization at MUO officials sa Thailand upang humingi ng tawad kay Bosch.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang mainit na usapan online — may ilan na naniniwalang tapat ang kanyang paghingi ng sorry, habang marami naman ang nagsasabing ‘too late’ na raw para sa damage na nagawa.