Janice de Belen, nag-walkout nga ba sa event nang dumating si John Estrada?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-06 01:03:19
Nobyembre 6, 2025 – Nag-viral ang eksenang nasaksihan sa product launch ng Swiss Proli Night Gummies ni Julia Montes at chemist Pinky Tobiano noong November 4, 2025 sa Marquis Events Place, BGC — matapos umanong umalis nang tahimik si Janice de Belen nang dumating ang kanyang ex-husband na si John Estrada.
Dumating nang sabay-sabay sina Janice, Cherry Pie Picache, at Angel Aquino, at pumuwesto sa isang table malapit sa stage. Ilang minuto lang, dumating si John Estrada. Paglapit pa lang daw ng aktor sa table ng grupo, biglang tumayo si Janice, may ibinulong kay Cherry Pie, at tuluy-tuloy na umalis palabas ng venue.
Nang tanungin ng kung nag-walkout siya, mabilis na sagot ni Janice, “Hindi naman.” Pero matapos hanapin ng mga reporters, hindi na raw ito nakita hanggang matapos ang programa.
Sa kabilang banda, nanatili si John sa event at nakipagkuwentuhan kina Cherry Pie at Angel. Umiwas ang aktor sa tanong tungkol sa umano’y “pag-iwasan” nila ni Janice, pero game niyang sinagot ang mga isyung may kinalaman sa anak niyang si Kaila Estrada, na nali-link ngayon kay Daniel Padilla.
“Hindi ko na pinakikialaman ‘yan. Anak ko ‘yan, storya niya ‘yon, hindi akin,” pahayag ni John.
“Kung saan siya masaya, doon ako. Pero ako? Hindi ko masasabing happy ngayon. Okay lang,” dagdag niya.
Star-studded ang event. Bukod sa tensyon sa pagitan ng dating mag-asawa, puno naman ng good vibes ang event dahil sa biglaang pagdating ni Alden Richards, na sinorpresa si Julia. Ayon sa aktor, “Tinext ako ni Juls kung pwede akong pumunta, pero gusto ko siyang i-surprise.”
Kasama rin sa mga dumalo sina Dominic Roque, Erik Santos, Angeline Quinto, Dimples Romana, Edgar Allan Guzman, Shaira Diaz, Polo Ravales, at GMA executive Atty. Annette Gozon-Valdes.
Coco Martin, absent pero supportive. Wala man si Coco Martin sa event, pero ayon kay Julia, full support daw ang Primetime King sa kanyang bagong negosyo.
“Hindi ko naman kakayanin na mag-jump into business without his support. Proud siya sa akin, kasi kami naman palaging nagbo-boost ng confidence sa isa’t isa,” sabi ni Julia.
Nilinaw rin ng aktres na siya lang ang may-ari ng negosyo: “Pera ko po talaga. May kanya-kanya po kaming business ni Coco, pero nagtutulungan kami.”
Kahit may tensyon sa simula, naging matagumpay pa rin ang product launch, lalo na’t marami ang natuwang makita ang close bond nina Julia at Alden — at syempre, ang mainit na balita sa pagitan nina Janice at John ang siyang naging talk of the night.
Source/larawan: Pep ph
