Diskurso PH
Translate the website into your language:

MUO President binanatan si Nawat Itsaragrisil: 'NAWAT, YOU NEED TO STOP!'

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-11-05 23:22:56 MUO President binanatan si Nawat Itsaragrisil: 'NAWAT, YOU NEED TO STOP!'

Nobyembre 5, 2025 – Tila lumala pa ang tensyon sa mundo ng pageantry matapos maglabas ng matinding pahayag ang Miss Universe Organization (MUO) President na si Raul Rocha laban sa Miss Universe Thailand executive director na si Nawat Itsaragrisil, matapos umano nitong ipahiya sa publiko si Miss Universe Mexico Fatima Bosch sa ginanap na Sashing Ceremony ng 74th Miss Universe noong Nobyembre 4, 2025.

Ayon sa ulat, ipinahiya raw ni Nawat si Fatima sa harap ng mga kandidata at staff, bagay na ikinagalit ng marami—lalo na ni reigning Miss Universe Victoria Kjaer Theilvig, na isa sa mga nag-walkout bilang protesta sa umano’y "magaspang na asal" ni Nawat.

Hindi nagpatumpik-tumpik si Rocha at agad naglabas ng opisyal na pahayag ilang oras matapos ang insidente. Sa kanyang live broadcast, deretsahang pinagsabihan ni Rocha si Nawat:

“NAWAT, YOU NEED TO STOP. Every woman in the world should be respected.”

Ayon pa sa MUO President, hindi niya palalampasin ang ginawang panghihiya at pambabastos ni Nawat kay Fatima Bosch. Inakusahan niya si Nawat ng "public aggression" at "abuse of power" matapos umanong ipatawag pa nito ang security para paalisin si Fatima sa venue.

“Hindi katanggap-tanggap ang ginawa ni Nawat,” dagdag ni Rocha. “Ang Miss Universe ay plataporma para sa empowerment ng mga kababaihan, hindi para sa kanilang pang-aalipusta.”

Nawala sa sirkulasyon si Nawat?

Dahil sa insidente, ipinag-utos ni Rocha ang agarang pagpapahinto ng Sashing Ceremony upang maiwasan pang makasalamuha ni Nawat ang mga kandidata.

Sinabi pa ng MUO President na nililimitahan o posibleng tuluyang alisin ang partisipasyon ni Nawat sa mga kaganapan ng Miss Universe 2025. Inatasan din niya ang kanilang CEO na si Mario Bucaro na magsagawa ng legal at corporate action laban sa Thai pageant boss.

“Hindi ko papayagang masira ang dignidad ng mga kababaihan na lumaban para maabot ang kanilang mga pangarap. Sa Miss Universe, respeto at pagkakapantay-pantay ang pinakamahalaga,” dagdag pa ni Rocha.

“Host with humility, not ego”

Binira rin ni Rocha ang pag-uugali ni Nawat bilang host. Ani niya, nakalimutan umano ni Nawat ang tunay na diwa ng pagiging mabuting tagapagtanggap.

“Being a genuine host means serving your guests with kindness and courtesy. Hindi dapat ikaw ang bida, kundi ang mga kandidata,” diin ng MUO President.

Hindi nakapagtataka na umapaw ang komento ng mga pageant fans sa social media matapos kumalat ang video ng insidente. Marami ang pumuri kay Rocha sa kanyang tapang at sa mabilis na aksyon niya para protektahan ang mga kandidata.

Samantala, nananatiling tahimik pa rin si Nawat Itsaragrisil sa gitna ng kontrobersiya. Pero ayon sa ilang insider, labis daw itong naapektuhan at naiyak pa sa harap ng media matapos pagbawalang makadalo sa mga event ng Miss Universe 2025.

Habang patuloy ang imbestigasyon ng MUO, marami ang umaasa na magiging mas maayos at ligtas na muli ang pageant para sa lahat ng mga kandidata.

Isa lang ang malinaw—hindi papayag ang Miss Universe Organization na tapakan ang dignidad ng mga kababaihan, kahit sino pa ang kalaban.