Manny Pacquiao, nagpaalam sa “Physical: Asia” dahil sa ‘ibang obligasyon’ sa Pilipinas!
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-05 23:11:55
Nobyembre 5, 2025 – Hindi na matutunghayan si People’s Champ Manny Pacquiao sa mga susunod na episodes ng Physical: Asia matapos siyang magpaalam sa programa dahil sa isang “mahalagang obligasyon” dito sa bansa.
Sa Episode 5 ng hit Netflix show, ipinaliwanag ni Pacquiao ang kanyang biglaang pag-alis at humingi ng paumanhin sa kanyang team.
“I have to leave the competition and return to the Philippines because of another obligation in my home country,” pahayag ni Pacquiao.
“I also want to apologize to my team. As a team captain, I was really proud to have the opportunity to represent the Philippines.”
Kahit maaga siyang nagpaalam, marami pa ring netizens ang bumilib sa humility at professionalism ni Pacquiao. Bago umalis, ipinakita pa rin ng boxing legend ang kanyang dedikasyon at respeto sa mga kasamahan sa Team Philippines.
Sa naturang episode, kapansin-pansin ang lungkot at paghanga ng mga kasamahan niya sa kompetisyon. Maraming international contestants din ang nagpahayag ng kanilang respeto sa Pambansang Kamao, na tinawag nilang “a true champion on and off the ring.”
Pagkatapos ng pag-alis ni Pacquiao, si Justin Hernandez na ang pumalit bilang captain ng Team Philippines. Isa si Hernandez sa mga kilalang pangalan sa fitness world dahil siya ang kauna-unahang Filipino male athlete na nakasali sa CrossFit Games.
Mula Episode 6, makakasama pa rin ng Team Philippines sina Mark “Mugen” Striegl (Fil-Am sambo athlete), Ray Jefferson Querubin (strongman), Justin Coveney (national rugby player), Robyn Lauren Brown (national hurdler), at Lara Liwanag (CrossFit athlete).
Noong unang episodes ng Physical: Asia, naging viral ang eksenang pagpasok ni Pacquiao bilang team captain. Lahat halos ng kalahok mula sa iba’t ibang bansa ay napamangha at nagulat sa presensiya ng boxing icon, na mas lalong nagpasigla sa kompetisyon.
“Grabe, si Manny Pacquiao! Legend!” sabi ng ilang contestants sa kanilang reaksyon.
Ang Physical: Asia ay ang pinakabagong installment ng sikat na Physical: 100 franchise, isang matinding team-based reality competition kung saan nagtatagisan ng lakas, disiplina, at strategy ang mga elite athletes mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.
Kahit wala na si Pacquiao sa kompetisyon, patuloy pa rin ang suporta ng mga Pinoy fans sa Team Philippines na ngayo’y mas determinado raw na ipagpatuloy ang laban para sa kanilang captain.
“He may have left the show, but his fighting spirit remains with the team,” ayon sa isang fan comment.
