Lea Salonga at Rachelle Ann Go kasama sa cast ng 'Les Misérables The World Tour Spectacular' sa Manila
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-06 15:38:57
Disyembre 6, 2025 – Para sa mga theater lovers, markahan na ang inyong mga kalendaryo! Ang prestihiyosong musical na Les Misérables The World Tour Spectacular ay magbabalik sa Manila mula January 20 hanggang March 1, 2026. At sa pagkakataong ito, tampok ang ilan sa pinakakilalang Filipino talents sa international stage—kasama na sina Lea Salonga, Rachelle Ann Go, Red Concepcion, at Emily Bautista.
Ayon kay Carlos Candal, CEO ng GMG Productions, “Kami ay lubos na pinararangalan na madala ang Les Misérables sa Manila at masaya kaming makita ang Filipino talent na kasama sa cast at sa orchestra. Ito ay isang selebrasyon ng world-class artistry, at excited kami na maranasan ito ng Filipino audiences.”
Sa production na ito, si Lea Salonga ay gaganap bilang Madame Thénardier, isang bagong role para sa kanya sa musical na ito, bagama’t kilala na siya sa mga iconic roles bilang Éponine at Fantine sa Broadway at sa anniversary concerts sa Royal Albert Hall at O2 Arena. Samantala, si Rachelle Ann Go naman ay gaganap bilang Fantine, role na dati na niyang ginampanan sa West End at sa Les Misérables Arena Tour noong 40th anniversary ng musical.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang Filipino stars. Si Emily Bautista ay muling gaganap bilang Éponine, role na naipakita na niya sa North American Tour ng Les Misérables. Samantala, si Red Concepcion ay bibida bilang Thénardier, role na ginampanan na niya sa St. Louis Municipal Opera Theatre.
Kasama rin sa cast ang international stars tulad nina Gerónimo Rauch bilang Jean Valjean, Jeremy Secomb bilang Javert, Will Callan bilang Marius, Lulu-Mae Pears bilang Cosette, Harry Chandler bilang Enjolras, at Earl Carpenter bilang Bishop of Digne. Dagdag pa rito, inaasahang mas marami pang Filipino talents ang makakasama sa production matapos ang auditions para sa role ng Little Cosette na ginanap sa Manila kamakailan.
Bukod sa world-class acting, isa pang tampok sa production ang makapangyarihang musika ni Claude-Michel Schönberg na ipatutugtog ng live orchestra. Tampok dito ang mga Filipino musicians na sina John Gerald Calma, Dino Decena, Mary Anne Espina, Fransisco Llorin, Mhaze Lim, Jonathan Livioco, Dondon Lucena, Luke Manuel, Kier Manimtim, Marloe Maruyama, Gabriel Mendoza, Paul Ramos, Coi Reyes, Steve Retallick, Raymond Sarreal, Jordan San Jose, at Miko Villena.
Ang Les Misérables The World Tour Spectacular ay ipapakita sa The Theatre sa Solaire mula January 20 hanggang March 1, 2026. Ang Manila staging ay sa pamamagitan ng GMG Productions, Nick Grace Management, at Cameron Mackintosh. Available na ang mga tickets sa Ticketworld.
Larawan: Les Miserables
