Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘I’m Perfect’ actors na may Down syndrome, nag-viral; MMFF 2025 entry pinusuan ng netizens

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-07 21:00:42 ‘I’m Perfect’ actors na may Down syndrome, nag-viral; MMFF 2025 entry pinusuan ng netizens

Disyembre 7, 2025 – Viral ngayon sa social media ang mga nakakatuwa at nakaka-inspire na video ng mga bida sa pelikulang “I’m Perfect”, ang official entry ng Nathan Studios sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 na tampok ang mga kabataang may Down syndrome. Agad na umani ng libo-libong views at reaksyon ang mga trailer at reels ng pelikula dahil sa natural at impressive na pag-arte ng mga pangunahing cast.

Ayon sa health references, ang Down syndrome o trisomy 21 ay isang genetic condition na nagdudulot ng developmental delays at intellectual disability. Ngunit sa pelikulang ito ay ipinakita ng cast na kayang-kaya nilang maghatid ng propesyonal at makahulugang performances, isang bagay na ipinuri ng marami online. Isa pa nga sa mga komento ng netizens: “This is a significant step for inclusive narratives in Philippine cinema.”

Iikot ang kuwento ng “I’m Perfect” sa buhay nina Jiro (Earl Jonathan Amanda) at Jessica (Anne Krystel Daphne Go), dalawang young adults na may Down syndrome na magkakilala, magiging malapit, at tuluyang mahuhulog ang loob sa isa’t isa. Ayon sa production team, parehong disiplinado, talented, at madali umanong ka-trabaho ang dalawa, at naitawid nila nang mahusay ang lahat ng eksenang ibinigay sa kanila.

Mula ang pelikula sa direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo, na kilala sa kanyang blockbuster film na “Kita Kita”. Ayon sa direktor, matagal na niyang pangarap na makapaghatid ng kuwentong magbibigay-daan sa mas inclusive na representasyon sa Philippine cinema. “After 15 years, finally, our story will be shared to the world with the aim of bringing inclusive voices to life,” pahayag niya.

Kasama rin sa cast sina Sylvia Sanchez, Janice De Belen, Lorna Tolentino, Tonton Gutierrez, Joey Marquez, at Zaijian Jaranilla. Pinuri ni Sylvia ang sampung pangunahing cast members na may Down syndrome at sinabing “ang gagaling nila” at karapat-dapat silang mapanood ng mas maraming tao.

Ibinahagi rin ni Sylvia na kung magiging matagumpay sa takilya ang “I’m Perfect”, magtatayo sila ng diagnostic center para sa mga may Down syndrome sa District 1 ng Quezon City, na nasasakupan ng anak niyang si Cong. Arjo Atayde. “Gusto naming makita, marinig, at mapahalagahan sila. Sana kahit paano, mabuksan ang isip ng mas maraming tao pagkatapos ng pelikulang ito,” dagdag niya.

Ang “I’m Perfect” ay mapapanood simula December 25 bilang bahagi ng MMFF 2025, habang magaganap ang Parade of Stars sa December 19 sa Makati. Sa lakas ng suporta ng netizens, inaasahang magiging isa ito sa pinaka-pinag-uusapang entry ng festival ngayong taon.