Bestlink College of the Philippines, bukas sa imbestigasyon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-01-29 23:17:39
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Bestlink College of the Philippines ukol sa 23rd Founding Anniversary na ginanap noong Enero 26, 2025 sa Punta Belle, Hermosa, Bataan kung saang maraming mag-aaral ang nagreklamo.
Nagpasalamat ang pamunuan ng Bestlink College of the Philippines sa lahat ng mga dumalo at sumuporta sa selebrasyon ng kanilang ika-23 anibersaryo noong Enero 26, 2025 sa Punta Belle, Bataan. Ayon sa isang pahayag, “Your presence and support made the event truly memorable.”
Gayunpaman, ipinaliwanag ng administrasyon na may mga maling ulat na kumalat sa social media ukol sa nasabing kaganapan. Ayon sa pahayag, “These reports are not true, fabricated as they are, since they do not reflect what had actually happened on the ground at the time.” Nilinaw nila na ang mga impormasyon ay hindi tumutugma sa mga nangyari sa aktwal na kaganapan.
Tiniyak ng administrasyon na bukas sila sa isang independyenteng imbestigasyon upang linawin ang katotohanan tungkol sa insidente. Iminungkahi nila na maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang Local Government of Hermosa, Bataan, na may sapat na impormasyon ukol sa insidente.
“While there may be some unforeseen circumstances in the coordination of the event and transport service providers we hired for the event, rest assured that the School is doing its best to determine what caused this present fiasco,” ayon pa sa pahayag. Idinagdag nila na ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral ang pangunahing prayoridad ng administrasyon bago, habang, at pagkatapos ng kaganapan.
Nagpaabot rin ng pasensya at paumanhin ang pamunuan sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya pati na rin sa mga residente ng Punta Belle. “We fully sympathize with the students for what they went through, and sincerely apologize for any inconvenience this event may have caused not only to our students and their families, but also to the residents of Punta Belle in Hermosa, Bataan,” dagdag pa nila.
Nangako ang Bestlink College of the Philippines na kanilang pagbubutihin ang pagplano at pagpapatupad ng mga susunod na kaganapan upang maiwasan ang anumang katulad na mga isyu.
(Larawan mula sa Bestlink College of the Philippines Facebook)
