Sen. Cynthia Villar: Bigyan ng pagkakataon si Camille sa Senado
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-06 08:30:24
MANILA, March 5, 2025 – Nanawagan si Senador Cynthia Villar sa publiko na bigyan ng pagkakataon ang kanyang anak na si Las Piñas Representative Camille Villar sa darating na Mayo 2025 senatorial elections.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, hinarap ni Senador Villar ang mga tanong tungkol sa political dynasties at ipinagtanggol ang pagtatalaga ng kanilang pamilya sa serbisyo publiko.
"Just give her a chance," pahayag ni Senador Villar. "If they want that career, you have to give them the chance. I truly believe that I raised them well. They can do their job well. What’s wrong with somebody doing their job well?"
Si Camille Villar, na kasalukuyang kinatawan ng Las Piñas, ay tumatakbo para sa Senado, habang ang kanyang kapatid na si Senador Mark Villar ay kasalukuyang nakaupo bilang miyembro ng upper chamber.
Ipinunto ni Senador Villar na parehong may kakayahan at dedikasyon ang kanyang mga anak sa serbisyo publiko.
"I think my daughter will be able to do a good job there. Just give her a chance," giit niya.
Tinalakay rin ni Senador Villar ang kontrobersiyang political dynasty at binigyang-diin na mas mahalaga ang kasipagan at katapatan kaysa sa isyu ng pamilya sa politika.
"There’s nothing wrong with a dynasty that will serve the people. Masama ‘yung dynasty na niloloko ang mga tao. Hindi ba mas maganda if your family likes to serve the people, then you’re serving the people well and you’re honest, hardworking, and there’s nothing wrong with that," aniya.
Dagdag pa niya, ang mga posisyong hawak at hinahangad nila ay halal na posisyon at hindi itinatalaga, kaya nasa kamay pa rin ng mga botante ang desisyon.
Bukod sa pagiging mambabatas, may background sa negosyo si Camille Villar. Nagtapos siya ng business degree sa Ateneo de Manila University at may master’s degree mula sa IESE Business School sa Europe.
Sa isang naunang panayam, nangako siyang magiging tapat sa serbisyo publiko.
"We won’t waste the public’s trust," ani Camille Villar.
Ibinahagi rin ni Senador Villar ang kanyang sariling political journey, kung saan sinabi niyang ang kanyang ama ay doktor bago naging mayor.
"Sometimes it’s a calling," aniya, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng dedikasyon at sipag sa serbisyo publiko.
Bagama’t patuloy ang pagbatikos sa political influence ng pamilya Villar, nananatili si Senador Cynthia Villar na kumpiyansa sa kakayahan ng kanyang mga anak na maglingkod nang tapat sa mga Pilipino.
Image Courtesy of Papajames Vlogs and Updates
