Diskurso PH
Translate the website into your language:

DA tiniyak na sapat ang suplay ng isda bago mag-Semana Santa

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-04-02 16:03:17 DA tiniyak na sapat ang suplay ng isda bago mag-Semana Santa

Abril 2, 2025 — Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng isda ngayong Semana Santa, isang panahong karaniwang tumataas ang demand dahil sa mababang konsumo ng karne.

Sa isang media briefing nitong Miyerkules, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na kasalukuyan ang bansa sa peak fishing season at may sapat na suplay ng isda.

“Fish naman, assured tayo ng supply, especially during holiday. Yes, marami tayo. Buwan tayo ng isda. Wala tayong problema sa supply,” ani De Mesa.

Nagpahayag ng pangamba ang ilang retailer na maaaring tumaas ang presyo ngayong Semana Santa. Inamin ni De Mesa na karaniwan ang pagtaas ng presyo tuwing panahong ito, ngunit ipinaliwanag niyang ang dahilan ay ang pagtaas ng demand, hindi kakulangan ng suplay.

“Kasi pagdating ng Holy Week, demand naman ’yun. The demand dictates na nagkakaroon ng konting pagtaas. Sumihina ’yung consumption sa karne. But it’s just only a few days lang naman,” paliwanag niya.

Sinabi ni De Mesa na may price monitoring na isinasagawa upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo. “O, titignan naman namin ’yun. I-monitor din pag may mga unreasonable increases sa preso naman,” aniya, at binanggit na sa kasaysayan, umaabot sa 15 hanggang 30 porsyento ang pagtaas tuwing Semana Santa.

Ayon sa pinakahuling monitoring, magkakaiba ang presyo ng galunggong. “Ang galunggong prevailing ay 260... Ang imported 260, ’yung local is 300... Mataas pa rin... Pero nung nag-ikot kami sa Mega Q-Mart, mababa siya—200. 100 ang kalahati... Ito mataas,” ayon kay De Mesa. Ipinaliwanag din niya na mas mahal talaga ang lokal na isda dahil sa pagiging bago. “’Yung gusto kasi ng tao talaga is ’yung bagong huli, ibig sabihin ’yung sariwa, hindi ’yung frozen talaga.”

Patuloy ang DA sa pagmamanman ng sitwasyon sa pamilihan at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na supplier upang matiyak ang maayos na distribusyon at price stability sa buong panahon ng Semana Santa.