PAL, nag-emergency landing sa Haneda Airport dahil sa usok sa cabin
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-10 12:10:03
ABRIL 10, 2025 — Dumaan sa matinding kaba ang 355 pasahero ng Philippine Airlines (PAL) matapos magkaroon ng usok sa cabin habang papunta sa Los Angeles. Napilitan ang Boeing 777 na lumihis ng ruta at mag-emergency landing sa Haneda Airport sa Tokyo nang madaling araw ng Huwebes. Ligtas naman ang lahat at walang naitalang nasaktan.
Kinumpirma ni Transportation Secretary Vince Dizon na walang nasugatan sa insidente.
Agad na binuksan ang mga pinto ng eroplano para magkaroon ng bentilasyon at isinagawa ang inspeksyon.
Ayon sa PAL, nagmula ang usok sa sira ng isa sa dalawang air conditioning unit ng eroplano. Ang Flight PR102 na nagtake-off sa Manila noong April 9 ay patungong Los Angeles nang magkaroon ng problema.
"PAL's Boeing 777 - with registry number RPC 7782) - carrying 355 passengers landed safely. Passengers currently remain on board as we work closely with airport authorities in Haneda to ensure a smooth and safe disembarkation," pahayag ng airline.
(Ang Boeing 777 ng PAL na may rehistrong RPC 7782 at may 355 pasahero ay ligtas na nakalanding. Nananatili muna sa loob ng eroplano ang mga pasahero habang patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa mga otoridad ng paliparan sa Haneda para masiguro ang maayos at ligtas nilang pagbaba.)
Kasado ang Department of Transportation sa PAL at mga awtoridad ng Japan para matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Hihintayin pa ang mga karagdagang detalye habang iniimbestigahan ang sanhi ng technical failure.
(Larawan: Philippine Airlines)
