Diskurso PH

Sen. Bato Dela Rosa, handang harapin ang warrant ng ICC kaugnay ng drug war


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-04-26 11:43:51
Sen. Bato Dela Rosa, handang harapin ang warrant ng ICC kaugnay ng drug war

26 Abril 2025 — Ipinahayag ni Senator Ronald "Bato" dela Rosa ang kanyang kahandaang harapin ang posibleng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang papel sa kontrobersyal na kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Sa isang campaign rally sa Iloilo City, binigyang-diin ng reelectionist senator ang kanyang paninindigan sa kanyang adbokasiya, sa kabila ng mga panganib na kaakibat nito.

“Kaya ako, I’m ready to go anytime. Ang buhay ko’y nakataya na, naka-kasa na. Anytime, pwede akong mamalasin dahil sa aking adbokasiya na ito. Pero never si Bato aatras sa laban na ito, I tell you,” ayon kay Dela Rosa sa rally.

Dagdag pa niya, “Anong magagawa ko kung ayan ang kapalaran ko? Basta ang importante, nagawa ko ang dapat gawin habang ako ay buhay dito sa mundo. Ginawa ko ‘yung war on drugs, ginawa namin ang lahat”.

Si Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong panahon ng administrasyong Duterte, ay naging pangunahing tagapagpatupad ng kampanyang kontra droga.

Ang kampanyang ito ay umani ng malawakang batikos dahil sa mga umano’y extrajudicial killing, na siyang nag-udyok sa ICC na magsagawa ng imbestigasyon.

Si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kasalukuyang nakapiit sa Scheveningen Prison ng ICC sa The Hague, Netherlands, at nahaharap sa kasong crimes against humanity.

Inakusahan din ng senador ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na siyang nasa likod umano ng kaso ng ICC laban kay Duterte.

“Akala kasi ng mga kalaban ni Pangulong Duterte na sila ay nakikinabang rito. Yes, totoo ‘yun, sumakay sila, ginamit nila ang ICC, wineaponize nila. Akala nila sila ang nakinabang, pero hindi nila alam, sa likuran pala ng lahat ng ito ay ‘yung CPP-NPA-NDF,” aniya.

Nauna nang nagpahayag si Dela Rosa ng magkahalong saloobin ukol sa posibilidad ng isang warrant of arrest mula sa ICC, mula sa pagsasaalang-alang ng pag-iwas hanggang sa kahandaang harapin ito.

Ipinahayag din niya ang kanyang pagdududa na makatatanggap siya ng suporta mula sa kasalukuyang administrasyon, at sinabing hindi na siya umaasa ng hustisya matapos maaresto si Duterte.