DPWH binawasan ng Senado ng ₱55.9B dahil sa ‘bogus’ projects
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-13 08:53:35
Maynila — Binawasan pa ng Senate Committee on Finance ang panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ₱568.56 bilyon, mula sa ₱624.48 bilyon na aprubado ng Kamara sa ilalim ng General Appropriations Bill (GAB), ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Sa kanyang sponsorship ng House Bill No. 4058 o ang General Appropriations Act of 2026, ipinaliwanag ni Gatchalian na ang karagdagang bawas na ₱55.91 bilyon ay bunga ng mga natuklasang iregularidad sa mga flood control projects at duplicate entries sa budget proposal ng DPWH.
“During the hearings, we discovered several red flags such as roads with no station IDs, duplicate projects, projects in multiple phases, and reappearing projects from previous years’ budget,” ani Gatchalian sa plenary session.
Ang orihinal na panukalang budget ng DPWH sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) ay ₱881.31 bilyon. Ngunit ito ay unang binawasan sa ₱625.78 bilyon matapos tanggalin ang ilang locally funded flood control projects na may mga ulat ng substandard o ghost implementation.
Ayon sa Senate panel, ang pagbawas ay bahagi ng mas malawak na hakbang upang mapabuti ang transparency at accountability sa paggastos ng pondo ng bayan. “We are determined to restore what has been lost – leadership, accountability, and transparency,” giit ni Gatchalian.
Bukod sa DPWH, binigyang-priyoridad ng Senado ang sektor ng edukasyon, kalusugan, at social welfare sa kanilang bersyon ng 2026 budget. Tumaas ang alokasyon para sa Department of Education sa ₱992.7 bilyon mula sa ₱914 bilyon ng House version, kabilang ang ₱68 bilyon para sa classroom construction upang tugunan ang backlog sa mga silid-aralan.
Patuloy ang deliberasyon sa Senado para sa kabuuang ₱6.793 trilyong national budget para sa 2026, na inaasahang maipapasa bago matapos ang taon.
