Diskurso PH
Translate the website into your language:

BI timbog ang utak ng ₱23-milyong online gambling syndicate mula South Korea

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-13 08:53:34 BI timbog ang utak ng ₱23-milyong online gambling syndicate mula South Korea

Maynila — Dalawang high-profile South Korean fugitives na sangkot umano sa multi-milyong pisong ilegal na online gambling operations sa Asia ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na operasyon sa Makati at Parañaque.

Kinilala ng BI ang mga suspek na sina Seo Hyemi, 38, at Park Unbae, 48. Si Seo ay naaresto noong Nobyembre 6 sa Ayala Avenue, Makati City, habang si Park ay nahuli sa Parañaque City ilang araw matapos ang unang operasyon.

Ayon sa BI, si Seo ay itinuturong utak sa likod ng 23 online gambling platforms na nag-aalok ng sports betting at casino-style games gaya ng baccarat at Powerball. Mayroon siyang Interpol red notice na inilabas noong Mayo, kasunod ng arrest warrant mula sa Incheon District Court sa South Korea.

Samantala, si Park ay nahaharap din sa mga kasong may kaugnayan sa operasyon ng ilegal na sugal sa internet. Ang kanilang pagkakaaresto ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng BI laban sa mga dayuhang kriminal na nagtatago sa Pilipinas.

“These operations send a clear message: the Philippines is not a safe haven for foreign fugitives,” pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado. Dagdag pa niya, “Through strong coordination with international law enforcement, we will continue to locate and apprehend those who think they can evade justice.”

Ang operasyon ay isinagawa ng BI-Fugitive Search Unit (FSU) sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang pagtugis at deportasyon ng mga dayuhang kriminal sa bansa.

Sa kasalukuyan, nakatakdang ipa-deport ang dalawang suspek pabalik sa South Korea upang harapin ang kanilang mga kaso. Patuloy ang koordinasyon ng BI sa mga international law enforcement agencies upang matiyak ang maayos na proseso ng deportasyon.