Lahat ng kalihim pinag-resign ni PBBM matapos halalan

MAYNILA, Pilipinas — Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng mga kalihim ng gabinete na magsumite ng kanilang courtesy resignation, bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na “i-recalibrate” ang pamahalaan matapos ang midterm elections noong 2025.
“This is not business as usual,” ayon sa pahayag mula sa Malacañang. “The people have spoken, and they expect results—not politics, not excuses. We hear them, and we will act.”
Sa pamamagitan ng mga courtesy resignation, magkakaroon si Marcos ng malayang pagsusuri sa performance ng bawat kagawaran, at matutukoy kung sino ang mananatili alinsunod sa bagong prayoridad ng kanyang administrasyon.
Binigyang-diin ng Palasyo na hindi ito personalan kundi batay sa performance, pagkakatugma sa direksyon ng gobyerno, at sense of urgency.
“Those who have delivered and continue to deliver will be recognized. But we cannot afford to be complacent. The time for comfort zones is over,” dagdag pa ni Marcos.
Ginawa ang hakbang sa gitna ng lumalakas na sentimyento ng publiko laban sa kasalukuyang takbo ng pamahalaan, gaya ng ipinakita sa resulta ng halalan.
Aminado si Marcos na “tired of politicking” na ang mga Pilipino at gusto na ng tunay na aksyon at resulta.
Tiniyak naman ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang serbisyo publiko sa kabila ng posibleng pagbabago sa mga opisyal. Mananatiling gabay ng administrasyon ang stabilidad, continuity, at merit-based leadership sa pagpili ng bagong team.
Image from PCO