Diskurso PH
Translate the website into your language:

COA Auditor: Flood Control Scam ‘nakalusot’ dahil kulang sa tao

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-25 22:14:03 COA Auditor: Flood Control Scam ‘nakalusot’ dahil kulang sa tao

MANILA — Isiniwalat ni Commission on Audit (COA) supervising auditor Tracy Ann Sunico na ang kakulangan ng tauhan sa kanilang hanay ang isa sa mga dahilan kung bakit nakalusot ang ilang iregularidad sa malalaking flood control projects ng gobyerno.


Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Setyembre 25, ipinaliwanag ni Sunico na labis na limitado ang manpower ng mga audit teams na nakatalaga sa mga district engineering offices ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


“Isa lang po ‘yung — meron po tayong audit team leader at isa lang din po ‘yung kanyang audit team member,” pahayag ni Sunico, bilang tugon sa tanong ng mga senador kung paano hindi agad nakita ng COA ang mga pinaniniwalaang “ghost projects” at anomalya sa flood control.


Dagdag pa niya, sa Bulacan 1st District Engineering Office, maraming supporting documents ang hindi naisumite nang buo, dahilan upang tanggihan ng COA ang ilang claims mula sa DPWH. Subalit inamin din niyang dahil sa dami ng transaksyon at kakaunti ang tao, hindi natutukan ng kanilang grupo ang lahat ng proyekto.


Lumabas sa imbestigasyon ng Senado na may mga flood control projects na sinasabing hindi natapos o kaya’y peke ang dokumentasyon, ngunit nakalusot sa mga proseso. Tinukoy ng mga mambabatas na ito ay indikasyon ng malalim na problema sa sistema ng auditing ng gobyerno.


Binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian na nakakabahala ang sitwasyong ito sapagkat mismong ahensyang dapat nagbabantay laban sa maling paggamit ng pondo ng bayan ay limitado ang kakayahan dahil sa kulang na pondo at kawalan ng sapat na auditors. Nagpanukala siya na imbestigahan ang mismong COA auditor na responsable sa pagsusuri ng mga naturang proyekto.


Samantala, iginiit ni Sunico na nakapagsumite na ng fraud audit reports ang COA laban sa ilang tinaguriang “ghost flood control projects” sa Bulacan. Ang hakbang na ito ay nag-ugat umano sa mga reklamo at impormasyon na dumaan sa programang “Isumbong Mo sa Pangulo” at sa mga pahayag mismo ng Pangulo sa isang press conference nitong Agosto.


Sa parehong pagdinig, lumabas din na si COA Commissioner Mario Lipana, na unang idinawit sa isyu, ay kasalukuyang nasa ibang bansa at naka-sick leave. Ayon kay Sunico, nakatanggap sila ng impormasyon na ito ay nasa Singapore, ngunit hindi pa malinaw kung ito ay opisyal na misyon o pansariling paglalakbay.


Nanawagan ang ilang senador na dagdagan ang pondo at tauhan ng COA upang matiyak na ang malalaking proyekto ng pamahalaan, lalo na ang mga may bilyong pisong halaga, ay masusing mabusisi at hindi madaling mapasukan ng anomalya.


Tiniyak naman ng Blue Ribbon Committee na magpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa flood control scam na kinasasangkutan umano ng ilang opisyal ng gobyerno at contractors, upang ma-establish kung sino ang dapat managot sa naturang anomalya.