Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bernardo, umamin: Mark Villar, inendorso siya sa kanyang pwesto sa DPWH

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-25 20:29:42 Bernardo, umamin: Mark Villar, inendorso siya sa kanyang pwesto sa DPWH

SETYEMBRE 25, 2025 — Inamin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na si dating Kalihim Mark Villar ang nag-endorso sa kanya para sa posisyon sa ahensya, sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Setyembre 25, tinanong ni Senadora Risa Hontiveros kung sino ang nagrekomenda kay Bernardo noong 2016 at muli noong 2019. 

Sagot ni Bernardo, “Yes, it was Secretary Villar.” 

(Oo, si Secretary Villar.) 

Nilinaw rin niyang hindi 2019 kundi Nobyembre 2017 siya naging undersecretary.

Ang pag-amin ni Bernardo ay lumutang habang patuloy ang pagbusisi ng Senado sa umano’y korapsyon sa flood control projects ng DPWH. Sa naunang pagdinig, sinabi ng mga kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya na humihingi umano si Bernardo ng hanggang 25% komisyon mula sa pondo ng proyekto. Mariin itong itinanggi ni Bernardo at iginiit na wala siyang kinakaharap na kaso, batay sa dokumentong mula sa DPWH Legal Service.

Bukod sa isyu ng komisyon, binigyang-pansin ni Hontiveros ang kakulangan ng koordinasyon ng DPWH sa mga lokal na pamahalaan. Sa Quezon City, lumabas na 2 lamang sa 254 flood control projects ang may pahintulot mula sa city hall. 

“Can flood control projects really be made without coordination with the LGU?” tanong ni Hontiveros. 

(Pwede bang gumawa ng flood control projects nang walang koordinasyon sa LGU?)

Si Bernardo ay kilala ring malapit kay dating Pangulong Joseph Estrada, na siyang nagtalaga sa kanya bilang city engineer ng Maynila noong 2013. Isa rin siya sa mga opisyal ng International Global Mining Exchange (IGME), kumpanyang nagbigay ng ₱5 milyon donasyon sa partido ni Estrada noong eleksyon.

Patuloy ang pagdinig ng Senado sa mga alegasyon ng katiwalian sa DPWH.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)