Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sanggol na bagong silang, natagpuan sa loob ng kahon sa Tuguegarao bypass road

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-26 01:46:26 Sanggol na bagong silang, natagpuan sa loob ng kahon sa Tuguegarao bypass road

TUGUEGARAO Isang bagong silang na sanggol ang milagrosong natagpuan na buhay matapos iwan sa loob ng isang karton sa gilid ng bypass road sa Barangay Carig, Tuguegarao City.

Ayon sa ulat, isang nagdaraan ang nakakita sa kahon at laking gulat nang madiskubre na may buhay na sanggol sa loob nito. Agad itong ini-report sa mga awtoridad at mabilis namang rumesponde ang pulisya.

Kinumpirma ng mga medical personnel na isang bagong silang na lalaki ang sanggol. Kaagad itong isinailalim sa medikal na pagsusuri at inilipat sa pinakamalapit na pagamutan upang mabigyan ng kinakailangang pangangalaga. Sa kabila ng pagkaka-expose, nasa ligtas na kondisyon ang sanggol ayon sa mga doktor.

Matapos ang initial na check-up, ipinagkatiwala ang sanggol sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pansamantalang kustodiya. Ayon sa ahensya, sisimulan ang proseso upang matiyak na ang sanggol ay mailagak sa ligtas at angkop na kapaligiran, alinsunod sa Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.

Samantala, nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang Tuguegarao City Police upang matukoy at mahanap ang taong responsable sa pag-abandona. Tinitingnan na rin ang mga CCTV footage sa lugar upang matunton kung sino ang nag-iwan ng kahon.

Naglabas din ng panawagan ang pulisya sa publiko na magbigay ng impormasyon na makakatulong sa pagkakakilanlan ng mga magulang ng sanggol. Paalala ng mga awtoridad, may mabigat na parusa ang ganitong uri ng kapabayaan. Batay sa Revised Penal Code, maaaring kasuhan ng Abandonment of a Minor or Helpless Person ang sinumang nag-abandona ng isang bata, at mas mabigat ang magiging parusa kung nagresulta ito sa pinsala o pagkamatay.

Giit ng DSWD, bagama’t nakatutok sila sa kapakanan at kaligtasan ng sanggol, kailangang managot ang mga magulang o sinumang responsable sa naturang kriminal na gawain. (Larawan: iStock / Google)