NAPOLCOM, hinikayat si Totoy na magsampa ng pormal na reklamo

Hulyo 5, 2025 — Nanawagan ang National Police Commission (NAPOLCOM) kay whistleblower Julie “Dondon” Patidongan, na kilala rin bilang “Totoy,” na pormal na magsumite ng affidavit kaugnay ng kanyang mga pasabog na akusasyon na sangkot ang ilang pulis sa pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson Atty. Rafael Vicente Calinisan sa panayam ng Super Radyo dzBB, mas mabilis ang proseso kung isasampa ang reklamo sa kanilang ahensya. “Sa NAPOLCOM niyo i-file [affidavit] kasi mas mabilis nang tatlong beses kapag finile mo sa NAPOLCOM kasi hindi siya on-appeal,” ani Calinisan. “Sana i-file niya (alias Totoy) sa NAPOLCOM.”
Si Patidongan, na dating security guard sa isang sabungan, ay lumantad kamakailan at nagbunyag na higit sa 100 sabungero umano ang pinaslang at itinapon sa Lawa ng Taal, sa utos diumano ni Charlie “Atong” Ang. Idinawit din niya si Gretchen Barretto at tinukoy na may higit 20 pulis na kasabwat sa operasyon.
Kinumpirma ni Calinisan na may mga natukoy nang pulis ang NAPOLCOM na posibleng sangkot at isasailalim ang mga ito sa imbestigasyong administratibo. “Hindi kami bulag. Alam namin kung saan patungo ang imbestigasyon. Targeted ang aming investigation,” aniya.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may 15 pulis nang inilipat sa restricted duty habang iniimbestigahan. Kasabay nito, kinilala na rin sina Ang at Barretto bilang mga suspek, at kasalukuyang binubuo ang pormal na kaso laban sa kanila.
Naglabas din ng pahayag ang NAPOLCOM na nagsasabing handa silang alisin sa serbisyo ang sinumang pulis na mapatunayang nakipagsabwatan sa grupong responsable sa mga pagpatay. “NAPOLCOM will not hesitate to remove from the service any police personnel found to have colluded with the group allegedly responsible for killing the victims and dumping their bodies in Taal Lake,” saad sa kanilang opisyal na pahayag.
Habang lumalalim ang kaso, patuloy ang panawagan sa whistleblower na makipagtulungan nang buo. “There needs to be swift justice and we will not hesitate to dispense swift justice,” ani Calinisan.