SONA 2025: ‘wag magpasikat sa gitna ng sakuna, ani Romualdez
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-25 10:18:11
HULYO 25, 2025 — Sa gitna ng malawakang pagbaha at paghihirap ng maraming Pilipino, nanawagan si House Speaker Martin Romualdez na alisin ang tradisyonal na "red carpet" at mala-fashion show na pagdiriwang sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28. Sa halip, dapat daw maging simple at nakatuon sa serbisyo ang okasyon.
“Many of our fellow Filipinos are struggling to get back on their feet. It would be out of touch to maintain a show of pageantry while our people are still in recovery,” pahayag ni Romualdez.
(Marami sa ating mga kapwa Pilipino ang hirap na hirap makabangon. Hindi naaangkop na magmalabis sa pagpapasikat habang naghihirap pa ang ating mga kababayan.)
Iminungkahi niya na panatilihin ang pormalidad ngunit iwasan ang magarbong presentasyon, fashion coverage, at ceremonial staging.
Sumang-ayon din ang ilang mambabatas, kabilang si Sen. Migz Zubiri, na nagsabing: “‘Wag tayong maging kapal mukha o manhid sa pangyayari sa ating mga kababayan at dapat tigilin muna ‘yang mga red carpet fashionista walk na complete with dyamante pa, at sana ‘yung mga naglalakad sa baha at exposed sa leptospirosis ang dapat natin intindihin.”
Pabor din si Sen. Loren Legarda na gawing mas praktikal ang SONA, habang binigyang-diin ni Iloilo Rep. Janette Garin na dapat maramdaman ng publiko ang pagkakaisa ng gobyerno sa kanila.
Ang tunay na lider, lalo sa panahon ng krisis, ay hindi dapat nakatuon ang pansin sa mga mabababaw na bagay, tulad ng fashion, kundi sa pagmamalasakit. Ang SONA ay dapat magsilbing paalala — hindi sa yaman ng mga opisyal, kundi sa tibay ng kanilang pakikiramay sa taumbayan.
(Larawan: Showbiz Philippines | YouTube)