Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babala ng Houthi: lahat ng barkong may deal sa Israel, posibleng tirahin!

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-28 10:46:25 Babala ng Houthi: lahat ng barkong may deal sa Israel, posibleng tirahin!

HULYO 28, 2025 — Nagbabala ang mga Houthi mula sa Yemen na tutugisin nila ang anumang barkong may koneksyon sa mga kompanyang nag-negosyo sa mga daungan ng Israel, anuman ang nasyonalidad nito. Ito ay bahagi ng kanilang ikaapat na yugto ng militarisadong operasyon laban sa Israel, ayon sa pahayag ng kanilang tagapagsalita noong Linggo.


"The Yemeni Armed Forces call on all countries, if they want to avoid this escalation, to pressure the enemy to halt its aggression and lift the blockade on the Gaza Strip," giit ng opisyal sa isang pahayag sa telebisyon.


(Nanawagan ang Yemeni Armed Forces sa lahat ng bansa: kung nais nilang maiwasan ang paglala ng sitwasyon, pilitin nila ang kaaway na itigil ang agresyon at buwagin ang blockade sa Gaza Strip.)


Dagdag niya, patuloy ang kanilang pagsisiyasat sa mga barko, at anumang lumabag sa babala ay maaaring atakihin.


Mula noong pumutok ang giyera sa Gaza noong Oktubre 2023, sunud-sunod ang pag-atake ng Houthi sa mga barkong may kaugnayan sa Israel bilang protesta. Noong Mayo, umani ng kontrobersya ang kasunduan ng U.S. at Houthi kung saan ititigil ng Amerika ang pambobomba kapalit ng paghinto sa pag-atake sa mga barko. Pero iginiit ng Houthi na hindi kasama sa deal ang pag-iwas sa mga target na Israel.


Nasa 20% ng mga seafarer sa mundo ay Filipino, at ilan sa kanila ang naapektuhan ng mga pag-atake sa Red Sea. Noong nakaraang taon, inirekomenda ng Department of Migrant Workers na iwasan ng mga Pinoy na manggagawa ang mga barkong dumaraan sa peligrosong rutang ito. Ayon sa International Maritime Organization, hindi bababa sa limang barkong may mga Filipino crew ang na-target ng Houthi mula 2023.


(Larawan: YouTube)