34 patay, ₱9B pinsala iniwan ng Habagat at sunod-sunod na bagy
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-29 11:09:46
MANILA — Umabot na sa 34 ang bilang ng mga nasawi dulot ng pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon (Habagat) at mga bagyong Crising, Dante, at Emong, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes.
Sa kabuuang bilang ng nasawi, dalawa ang kumpirmado habang 32 pa ang nasa ilalim ng validation. Bukod dito, naiulat din ang 18 sugatan (11 validated, 7 for validation) at 7 nawawala (3 validated, 4 for validation).
Aabot sa 6.67 milyong katao o 1.86 milyong pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa mga ito, 113,646 katao ang kasalukuyang nasa loob ng evacuation centers habang 80,496 naman ang pansamantalang nanunuluyan sa labas ng mga pasilidad.
Naitala rin ang 30 insidente ng landslide at 526 lugar na binaha. Umabot sa 586 road sections at 35 tulay ang nasira, habang 15,220 bahay ang naapektuhan sa 16 rehiyon.
Tinatayang nasa ₱1.68 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang ₱7.36 bilyon naman ang iniulat na pinsala sa imprastruktura. Dahil dito, 193 lungsod at munisipalidad ang nagdeklara ng state of calamity.
Maraming lokal na pamahalaan ang nagpatupad ng suspensyon ng klase ngayong Hulyo 29 bilang pag-iingat sa patuloy na masamang panahon. Patuloy ang isinasagawang validation at monitoring ng NDRRMC sa mga apektadong lugar, habang inaasahan ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa Luzon at mainit na panahon sa Visayas at Mindanao.