Diskurso PH
Translate the website into your language:

6 Buwang Baha? Residente ng Biñan, Laguna Nababahala sa Matagalang Pagbabaha

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-07-30 15:52:34 6 Buwang Baha? Residente ng Biñan, Laguna Nababahala sa Matagalang Pagbabaha

BIÑAN, LAGUNA — Ipinahayag ng ilang residente ng Brgy. Malaban sa lungsod ng Biñan ang kanilang pagkabahala matapos na muling tumaas ang tubig sa ilang lugar bunsod ng patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.


Ayon sa mga residente, karaniwan na umanong tumatagal ng dalawa hanggang anim na buwan ang bahang kanilang nararanasan tuwing panahon ng tag-ulan, lalo na kung may kasabay na bagyo o malakas na habagat. Sa ngayon, ilang bahagi na ng lungsod ang lubog na sa tubig-baha, partikular sa mga lugar malapit sa Laguna de Bay.


"Pag ganitong panahon, sanay na kami sa baha, pero mahirap pa rin. Minsan abot-tuhod, minsan lampas-binti, tapos ilang buwan bago tuluyang mawala," ani ng isang residente sa Brgy. Malaban.


Dahil dito, maraming pamilya ang muling nangangamba para sa kanilang kalusugan, kabuhayan, at kaligtasan. Ilan sa kanila ay napipilitang lumikas pansamantala o magsagawa ng sariling hakbang gaya ng pagtaas ng sahig o paglalagay ng mga temporary footbridge sa loob ng bahay.


Umapela naman ang mga residente sa lokal na pamahalaan para sa agarang solusyon at tuloy-tuloy na paglilinis ng mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang matagalang pagbaha.


Patuloy na mino-monitor ng lokal na disaster risk reduction team ang sitwasyon habang nakaantabay rin ang mga barangay officials para sa anumang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.