Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pilipinas, Ika-3 sa pinaka-corrupt na bansa sa Timog-Silangang Asya ayon sa bagong ulat ng CPI 2024/2025

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-02 08:24:25 Pilipinas, Ika-3 sa pinaka-corrupt na bansa sa Timog-Silangang Asya ayon sa bagong ulat ng CPI 2024/2025

Isang nakababahalang ulat ang inilabas kamakailan ng Transparency International kaugnay sa Corruption Perceptions Index (CPI) 2024/2025, kung saan muling nalugmok ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang may mataas na antas ng korapsyon.

Sa 11 bansa sa Timog-Silangang Asya, pumangatlo ang Pilipinas bilang isa sa pinakakurap—tinalo lamang ng Cambodia at Myanmar sa pagiging mas malala. Sa buong Asya, nasa ika-18 pwesto ang bansa sa listahan ng 45 bansang Asyano, habang ika-62 naman ito sa 181 bansa sa buong mundo.

Hindi lamang korapsyon ang pinuna sa ulat. Sa pagsusuri ng tatlong pangunahing indeks—ang CPI, Press Freedom Index mula sa Reporters Without Borders, at mga datos sa political stability mula sa global governance at peace indicators—masasaksihan ang kabuuang kalagayan ng isang bansa pagdating sa pamumuno, transparency, at kalayaan sa pamamahayag.

Sa buong Asya, kabilang ang mga bansang may kinikilalang matinding problema sa pamahalaan at karapatang pantao gaya ng Syria, Yemen, North Korea, at Afghanistan, ay patuloy ang pagkakababa ng ranggo ng Pilipinas—isang patunay na ang mga reporma kontra-korapsyon sa bansa ay nananatiling kulang at mabagal.

Narito ang ranggo ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya batay sa kanilang antas ng pamamahala:

  1. Singapore – kilala bilang isa sa pinaka-transparent na gobyerno sa buong mundo

  2. Brunei Darussalam

  3. Malaysia

  4. Timor-Leste

  5. Vietnam

  6. Indonesia

  7. Thailand

  8. Laos

  9. Philippines

  10. Cambodia

  11. Myanmar

Ang Pilipinas, na dati’y itinuring na isa sa mga nangunguna sa demokratikong rehiyon ng Asya, ay ngayo'y humaharap sa kritisismo hindi lamang mula sa mga lokal na mamamayan kundi pati na rin sa pandaigdigang komunidad.

Ayon sa mga tagapagsuri, ang paulit-ulit na pagkakabilang ng Pilipinas sa mga bansang may mataas na antas ng korapsyon ay sanhi ng mga isyung tulad ng katiwalian sa mga ahensya ng pamahalaan, kawalan ng accountability, kahinaan ng batas, at panggigipit sa malayang pamamahayag.

Dagdag pa rito, ang kawalan ng tiwala ng publiko sa mga institusyon ay nagpapalala sa political instability—na hindi lamang humahadlang sa progreso, kundi pati na rin sa direktang pamumuhunan at kaunlaran ng bansa.

Nanawagan ang mga tagapagtaguyod ng good governance sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas, transparency sa pamahalaan, at pagpapalakas sa mga institusyon ng demokrasya upang maibalik ang tiwala ng publiko.

Habang ang ibang bansang Asyano gaya ng Singapore, Japan, Taiwan, at South Korea ay patuloy na sumusulong sa pag-angat ng good governance, nananatiling hamon para sa Pilipinas ang pagbawi sa kanyang kredibilidad sa mata ng mundo.


Ang tanong ngayon: Hanggang kailan magbubulag-bulagan ang liderato ng bansa sa harap ng malinaw na krisis sa pamumuno at integridad?


(Larawan at Source: Pinoy History / ASIAN CONNECT)