Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mayor Leni Robredo, nagpadala ng tulong sa Masbate matapos manalasa ang bagyong ‘Opong’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-30 23:33:53 Mayor Leni Robredo, nagpadala ng tulong sa Masbate matapos manalasa ang bagyong ‘Opong’

NAGA CITY — Sa pagpapakita ng diwa ng bayanihan, nagpadala ang Pamahalaang Lungsod ng Naga ng 18-kataong team mula sa Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) patungong Masbate City upang tumulong sa clearing operations matapos ang pinsalang dulot ng Bagyong Opong.

Pinangunahan ni Raynor Rodriguez, DRRMO head ng Naga, ang grupo na nagdala rin ng isang boom truck — isa sa pinakamahalagang kagamitang hiningi ng lokal na pamahalaan ng Masbate. Gagamitin ito sa paglilinis ng mga kalsada, lansangan, at pampublikong pasilidad gaya ng mga paaralan na matinding napinsala ng bagyo.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), Masbate ang isa sa pinakamalubhang naapektuhan sa Eastern Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, at CALABARZON. Tatlo ang naitalang nasawi sa lalawigan: isa sa bayan ng Monreal dahil sa nabagsakang puno, at dalawa sa Masbate City—isa mula sa gumuho ng pader at isa dahil sa pagkalunod.

Personal na nakipag-ugnayan si Mayor Leni Robredo sa LGU ng Masbate matapos matanggap ang kahilingan para sa boom truck.
“Kahit may inaasahang panibagong bagyo ngayong Biyernes, nagpasya tayong magpadala ng tulong dahil napakahalaga ng panahong ito para sa kanila. Tiniyak naming sapat pa rin ang gamit dito sa Naga para sa ating sariling pangangailangan,” pahayag ni Robredo.

Tatayong limang hanggang pitong araw sa Masbate ang Naga DRRM team. Umaasa si Robredo na hindi tatamaan ng paparating na bagyo ang Naga upang hindi maantala ang misyon.

Ang pagtulong na ito ay simbolo rin ng pagbabalik ng kabutihan, matapos tulungan ng Masbate City ang Naga noong 2024 sa kasagsagan ng Bagyong Kristine.

Samantala, inanunsyo rin ni Robredo ang bagong polisiya ng Naga City: lahat ng kawani ng pamahalaan ay kailangang pumasok tuwing may bagyo, kahit hindi sila direktang bahagi ng disaster response. Layunin nito na mapadali ang pamamahagi ng food packs sa libu-libong evacuees.

“Sa pagtulong sa evacuation centers, masisiguro nating walang magugutom at lahat ay makatatanggap ng tulong sa oras,” dagdag ni Robredo.

Binigyang-diin ni Mayor Robredo na ang proactive planning at sama-samang pagkilos ang susi upang mapatatag ang kakayahan ng mga komunidad sa panahon ng kalamidad. (Larawan: Mayor Leni Robredo / Facebook)