Isang dekadang problema ng kalinisan sa San Pedro District Hospital, natuklasan ni Gob. Sol Aragones
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-01 00:06:39
SAN PEDRO, Laguna — Natuklasan ni Gobernador Sol ngayong araw ang matagal nang kinakaharap na suliranin ng San Pedro District Hospital matapos mabunyag ang higit sampung taon nang problema sa pagbaha at kalinisan sa loob ng pasilidad.
Ayon sa inisyal na ulat, umaabot umano hanggang baywang ang baha sa ilang bahagi ng ospital tuwing malakas ang ulan. Bagama’t may inilagay na drainage system sa nakaraan, bigo itong maresolba ang isyu at nananatiling sagabal sa operasyon ng ospital at sa kaligtasan ng mga pasyente at kawani.
Bukod sa baha, napansin din ni Gob. Sol ang kalagayan ng kusina ng ospital na umano’y makalat at hindi akma sa pamantayan ng kalinisan para sa isang institusyong pangkalusugan. Dahil dito, ipinangako ng gobernador na agad siyang magpapadala ng technical team upang pag-aralan ang sitwasyon at tukuyin ang pinakamabisang solusyon. Tiniyak din ng pamahalaang panlalawigan na magkakaroon ng masusing inspeksyon at konsultasyon upang mapabilis ang pagtugon sa naturang suliranin.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng gobernador na tiyakin ang ligtas, maayos, at mabisang serbisyo sa lahat ng pampublikong ospital sa lalawigan. (Larawan: Sol Aragones / Facebook)