‘Buhay na paraiso’ — Iba’t-ibang uri ng hayop natuklasan gamit ang camera traps sa Palawan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-01 00:15:55
NARRA, Palawan — Muling pinatunayan ang yaman ng kalikasan ng Palawan matapos ilabas ng Centre for Sustainability PH, Inc. (CS) ang mga larawan ng iba’t ibang buhay-ilang na naninirahan sa kagubatan ng Sultan Peak sa bayan ng Narra, southern Palawan.
Sa pamamagitan ng 17 camera traps na inilagay ng mga student intern mula sa Palawan State University at William & Mary College (USA), nakuhanan ng mga larawan ang mga hayop gaya ng balintong (pangolin), musang, mga unggoy, at iba pang species na malayang namumuhay sa lugar.
Ayon sa CS, ang mga larawang ito ay patunay na ang Sultan Peak ay tahanan ng mayamang biodiversity na nangangailangan ng higit pang proteksyon. “Each capture reveals new encounters — from elusive forest dwellers to everyday species that keep this ecosystem alive,” pahayag ng grupo. Dagdag pa nila, inaasahan pa nilang mas maraming makikitang wildlife sa mga susunod na buwan habang nagpapatuloy ang fieldwork.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang CS sa pamunuan ng Barangay Princess Urduja at lokal na pamahalaan ng Narra dahil sa kanilang suporta sa mga estudyante at sa pananaliksik.
Bunsod nito, muling iginiit ng organisasyon ang pangangailangan na palakasin ang panawagan para sa pangmatagalang proteksyon ng Sultan Peak, hindi lamang bilang tirahan ng mga hayop kundi bilang bahagi ng likas-yaman na nagbibigay-balanse sa kalikasan ng Palawan. (Larawan: Centre for Sustainability PH, Inc / Facebook)