Taiwanese at Pilipino, arestado dahil sa paglabag sa ‘Wildlife Act’ sa Palawan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-30 23:43:51
TAYTAY, Palawan — Arestado ang isang Taiwanese at isang Pilipino matapos mahuli ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Ayon sa ulat ng PCSDS, nahuli ang dalawang suspek sa pagkakaroon ng malaking bilang ng lobster nang walang kaukulang permit mula sa ahensya. Dagdag pa ng PCSDS, ang insidente ay patunay ng lumalalang problema ng mga dayuhang nasyonal na nakikipagsabwatan sa mga Pilipino upang makaiwas sa mga umiiral na batas pangkalikasan at regulasyon sa permit.
Binigyang-diin ng PCSDS na ang ganitong uri ng illegal wildlife trade ay seryosong banta sa sustainable na paggamit ng likas na yaman ng Palawan, na kilala bilang isa sa mga pangunahing biodiversity hotspots ng bansa.
Sa kanilang pahayag, mariing pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na huwag lumabag sa mga batas pangkalikasan at tiyakin ang pagsunod sa tamang proseso ng pagkuha ng permit. Anila, mananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng Wildlife Act at iba pang environmental laws upang mapanatiling ligtas at napoprotektahan ang yamang-dagat at iba pang natural resources ng Palawan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso upang matukoy ang lawak ng operasyon at kung may iba pang kasabwat na sangkot sa ilegal na gawain. (Larawan: Palawan Council for Sustainable Development Staff / Facebook)