Tambay pa More! Mga estudyanteng maagang tumambay sa masukal na lote, nasita ng mga awtoridad
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-30 23:57:52
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Nasita ng mga awtoridad ang ilang estudyanteng maagang tumambay sa isang masukal na bakanteng lote sa Barangay San Jose nitong umaga ng Lunes, bago pa man sumapit ang alas-siyete.
Ayon sa ulat, napansin ng isang residente ang grupo ng mga kabataang nakasuot pa ng kanilang school uniform habang nakatambay sa lugar. Agad niya itong iniulat sa barangay tanod na mabilis na rumesponde at pinuntahan ang nasabing lote.
Sinabi ng residente na hindi ito ang unang beses na nakita niya ang mga kabataan sa parehong lugar. Aniya, madalas umanong gawing tambayan ng ilang estudyante ang naturang bakanteng lote na napapalibutan ng damo at puno, bagay na nakakaalarma para sa mga nakatira malapit dito.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng mga opisyal ng barangay ang mga estudyante na umiwas sa ganitong gawain dahil bukod sa maaari silang mapahamak, nakakaapekto rin ito sa kanilang pagpasok sa klase. Pinayuhan din ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at tiyaking maayos na nakakadalo sa paaralan.
Samantala, nakatakdang makipag-ugnayan ang barangay sa paaralang pinapasukan ng mga nasabing estudyante upang agad na maiparating sa kanilang mga guro at administrador ang insidente.
Dagdag pa ng mga awtoridad, sisikapin nilang bantayan ang lugar upang maiwasan ang pagdami ng kabataang gumagamit nito bilang tambayan. (Larawan: We R1 At Your Service Official / Facebook)