4 sugatan matapos sumabog ang di pa identipikadong bagay sa Tondo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-03 18:54:58
AGOSTO 3, 2025 — Apat na tao ang sugatan nang sumabog ang isang di-tiyak na bagay sa Tondo, Manila nitong Linggo ng hapon. Ayon sa Manila Police District (MPD), naganap ang pagsabog bandang 2:30 p.m. malapit sa riles ng tren sa kanto ng Tayuman at Dagupan Street.
Hindi pa kumpirmado kung bomba ang sanhi ng insidente. Dinala ang mga biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Tondo General Hospital. Base sa imbestigasyon, nagtatrabaho ang mga nasaktan bilang junk collector at tinatapyas nila ang isang bagay bago ito biglang sumabog.
“May isang patient na putol ang kamay, labas yung pinakabuto,” ayon sa firefighter at medic na si Jam Mariano, isang first responder. “Yung isa, ang tama sa baba, tapos yung isa, senior, butas po ang pisngi.”
Pinaghihinalaang air compressor ang maaaring pinagmulan ng pagsabog, ayon sa mga ebidensiyang nakalap sa lugar.
"Under investigation pa po, pina-process pa po ng EOD natin at saka ng SOCO natin yung crime scene," pahayag ni PSSG Kervin Laiz ng MPD Station 2.
Ayon kay Edgar Gonzales, isang tricycle driver na saksi, dumating ang mga biktima bandang 9:00 a.m. para maghanap ng mga scrap. May dinampot umano silang isang bagay at sinubukang baklasin ito.
"Pinupokpok, kasi mahilig silang magpukpok," ani Gonzales. “Biglang sumabog.”
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, kasama ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) at K-9 unit ng MPD.
(Larawan: Facebook)
