12-anyos na batang babae, patay matapos malunod sa ilog ng Gulang-gulang, Lucena City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-11 23:46:44
LUCENA CITY, QUEZON — Isang masayang family weekend outing ang nauwi sa matinding trahedya matapos malunod ang isang 12-anyos na batang babae sa ilog ng Barangay Gulang-Gulang, Lucena City, nitong Linggo, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ang biktima sa pangalang “Renalyn,” isang Grade 5 student at residente ng lungsod. Batay sa imbestigasyon ng Quezon Police, kasama ng biktima ang kanyang pamilya sa isang picnic sa ilog bandang umaga ng Linggo. Nagsasaya umano ang lahat nang mapansin ng pamilya na bigla na lamang nawala si Renalyn sa kanilang paningin.
Agad silang humingi ng tulong mula sa mga residente at awtoridad upang masimulan ang paghahanap. Sa kabila ng kanilang pagsusumikap, natagpuan ang katawan ng bata makalipas ang ilang oras, alas-5:52 ng hapon, sa ibang bahagi ng ilog, na wala nang buhay.
Naitala ng pulisya ang insidente bilang isang kaso ng pagkalunod. Ayon sa mga otoridad, posibleng malakas ang agos o may malalim na bahagi sa ilog na naging sanhi ng trahedya.
Nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima at muling nagpaalala sa publiko na magdoble-ingat at tiyaking may sapat na pagbabantay, lalo na sa mga bata, upang maiwasan ang ganitong malulungkot na pangyayari. (Larawan: Balitang Quezon / Fb)
