Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Benteng Bigas, Meron Na!' pinalawak para sa mga magsasaka

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-13 17:08:22 'Benteng Bigas, Meron Na!' pinalawak para sa mga magsasaka

MAYNILA — Simula ngayong linggo, isinama na ng Department of Agriculture (DA) ang mga maliliit na magsasaka bilang benepisyaryo ng flagship food security initiative ng pamahalaan na “Benteng Bigas, Meron Na!” (BBM), ayon sa ulat ng PTV News.

Sa pilot rollout sa Luzon, tinatayang dalawa hanggang tatlong milyong magsasaka ang makikinabang sa subsidized rice na ibinebenta sa halagang ₱20 kada kilo. Ayon sa ulat ni Vel Custodio sa Sentro Balita, “Malaking may tutulong sa mga farmers, lalo na sa tulad kong senior citizen na makadadagdag na pangbili ng ulam ‘yung mababawas na halaga ng bigas,” pahayag ng magsasakang si Mariano, na 50 taon nang nagtatanim ng palay.

Bago ang BBM program, ang karaniwang presyo ng bigas sa merkado ay nasa ₱45 hanggang ₱49 kada kilo. Sa bagong scheme, maaari nang bumili ang mga magsasaka ng mas abot-kayang bigas, na malaking ginhawa sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Ayon sa Department of Agriculture, ang pagsasama ng mga magsasaka sa BBM program ay bahagi ng mas malawak na layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas inklusibo ang food subsidy program. “Sa suporta ng mga kooperatiba at LGU, mas naisasakatuparan ang hangarin nating magkaroon ng sapat, ligtas, at abot-kayang pagkain sa bawat hapag-kainan ng mga Pilipino,” ani Assistant Secretary Bebang Guevarra.

Bukod sa mga magsasaka, pinag-aaralan na rin ng DA ang pagsasama ng mga mangingisda bilang susunod na benepisyaryo ng programa. Sa kasalukuyan, ang BBM rice ay ibinibenta sa mga KADIWA ng Pangulo outlets at sa piling supermarket sa mga probinsya gaya ng Surigao del Sur, Marinduque, at Batangas.

Ang “Benteng Bigas, Meron Na!” ay inilunsad bilang tugon sa tumataas na presyo ng bilihin at layuning maabot ang 15 milyong kabahayan sa buong bansa bago matapos ang 2026. Inaasahan ng pamahalaan na sa pagtaas ng lokal na produksyon ng bigas, unti-unting mababawasan ang subsidiya at mapapanatili ang mababang presyo nang hindi nalulugi ang mga magsasaka.