Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lifestyle check sa DPWH probe, iniutos ni Marcos

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-27 18:18:32 Lifestyle check sa DPWH probe, iniutos ni Marcos

AGOSTO 27, 2025 — Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing lifestyle check sa mga opisyal ng pamahalaan, partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kasunod ng mga ulat ng katiwalian sa mga flood control project.

Ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary Claire Castro, dapat unahin sa imbestigasyon ang DPWH. 

“Unang una, hindi po natin makakaila na may DPWH officials na sinasabing involved at malamang magsimula sila doon,” aniya. 

Kasama sa lifestyle check ang pagbusisi sa mga ari-arian ng mga opisyal, kabilang ang mga mamahaling sasakyan. Binanggit ni Castro na dapat suriin ng Bureau of Customs (BOC) kung legal ang pagpasok ng mga luxury car sa bansa at kung bayad ang buwis ng mga nito. 

“Maraming po tayong nakikita na maraming nagkakaroon ng luxury cars. Malamang dapat makikita rin po ito ng BOC kung ito ba bayad sa mga taxes na required,” dagdag niya. 

Pinayuhan din ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking may sapat na permit ang mga kontratistang tumanggap ng milyong halaga ng proyekto. Inatasan ni Marcos ang BIR at COA na silipin ang mga transaksyon at gastos ng mga sangkot na opisyal.

“Walang sisinuhin, walang malapit sa puso, walang kaalyado. Kung sino man na-involve dito sa sampahan ng kaso … Kung sino ang ahensya na dapat magkaroon ng pag-lifestyle check, gawin po nila,” giit ni Castro. 

Sa ngayon, nakatanggap na ng 9,020 reklamo ang “Sumbong sa Pangulo” website, na inilunsad upang tumanggap ng ulat mula sa publiko ukol sa mga proyekto ng DPWH. Sa 11 proyekto na personal na sinuri ni Marcos sa Marikina, Iloilo, Bulacan, at Benguet, ilan ay wasak, substandard, o hindi man lang naipatayo.

Sampung opisyal mula sa unang distrito ng Bulacan ang tinanggal na sa puwesto. Sa Batangas, inaresto ang district engineer na si Abelardo Calalo matapos tangkaing suhulan si Rep. Leandro Leviste upang itigil ang imbestigasyon. Sinampahan siya ng kaso ni Leviste, ngunit iminungkahi rin na gawing state witness si Calalo.

Kasabay nito, nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado at Kamara sa mga proyekto ng DPWH, matapos punahin ni Marcos ang mga kontratistang tumanggap ng pondo pero bigong solusyunan ang baha kahit kapag mahina lamang ang ulan.

(Larawan: Reddit)