Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Hold departure order’ — Panawagan ni Barzaga laban kay dating House Speaker Martin Romualdez

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-17 23:56:37 ‘Hold departure order’ — Panawagan ni Barzaga laban kay dating House Speaker Martin Romualdez

MANILA Nanawagan si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa pamahalaan na magpalabas ng Hold Departure Order (HDO) laban kay dating House Speaker Martin Romualdez upang matiyak na mananagot ito sa mga alegasyon ng katiwalian na kinakaharap.

Ayon kay Barzaga, hindi dapat payagang makalabas ng bansa si Romualdez habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon kaugnay sa umano’y flood control scam at iba pang anomalya sa pambansang budget. Aniya, mahalagang tiyakin na haharapin ng dating lider ng Kamara ang mga isyu upang hindi mabansagang walang pananagutan ang mga opisyal na nasasangkot sa mga kontrobersiya.

“I urge the Philippine Government to provide a ‘Hold Departure Order’ to ensure that Former Speaker Martin Romualdez will be held accountable for any crimes he may have committed,” pahayag ng mambabatas.

Dagdag pa ni Barzaga, ang transparency at pananagutan ay pundasyon ng mabuting pamamahala, kaya’t nararapat lamang na masusing masuri ang mga proyektong pinopondohan ng pondo ng bayan. Naniniwala rin siya na ang pagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ay hindi lamang makakatulong para mapanagot ang mga may sala, kundi magsisilbi ring babala sa iba pang opisyal upang umiwas sa katiwalian.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula kay Romualdez o sa kanyang kampo kaugnay ng panawagan ng HDO. Subalit, patuloy na inaabangan ng publiko ang magiging tugon ng mga kinauukulang ahensya at ang magiging resulta ng mga imbestigasyon. (Larawan: Kiko Barzaga / Fb)