‘Wag ako manang! Dapat makulong lahat ng Lolong’ — Matapang na reaksyon ni Heidi Mendoza sa viral video ni Sen. Imee Marcos
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-18 02:10:25
MANILA — Nagbigay ng matapang na reaksyon si dating Commissioner ng Commission on Audit (COA) na si Heidi Mendoza matapos mag-viral ang video ni Senator Imee Marcos na may hawak na crocodile-inspired na bag o stuffed toy. Sa isang post sa social media nitong Miyerkules, mariing tinuligsa ni Mendoza ang diumano’y pagkukunwari ng ilang personalidad na nagpapakitang laban sa katiwalian.
“Ang nakakatakot na kalaban ng katiwalian. Hindi ‘yung sa dilim ay nalulukuban. Sila ‘yung sumasakay sa kasikatan. Taas noong nagpapanggap na kalaban ng katiwalian. Gayung sila man, kay daming pananagutan!” wika ni Mendoza.
Nag-viral ang insidente matapos dalhin ni Sen. Imee Marcos ang crocodile-inspired na bag sa isang sesyon ng Senado noong nakaraang linggo, na agad pinag-usapan ng mga netizen at media dahil sa interpretasyon ng simbolismo nito kaugnay sa isyu ng katiwalian. Sa isang video post naman, mariing pahayag ni Mendoza: “Dapat hulihin lahat talaga, dapat puksain, dapat parusahan, makulong lahat ng Lolong,” na nag-udyok ng mas mainit na diskurso sa social media.
Ang mga pahayag ni Mendoza ay nagpatindi ng mga tanong at diskusyon hinggil sa kredibilidad at integridad ng mga pampublikong opinyon-makers at ng mga politiko na madalas magbigay ng moralizing statements. Para sa ilan, ang insidente ay simbolo ng tensyon sa pagitan ng mga boses na tumututok sa anti-korupsyon at ng mga publiko at opisyal na nasasangkot sa mga akusasyon o kontrobersiya.
Samantala, nagpatuloy ang magkabilaang reaksyon sa social media: may mga sumuporta kay Mendoza at humihiling ng seryosong paglilinis, habang ang iba nama’y nagtanong kung hindi ba labis ang tono ng pagbatikos. Hanggang sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula kay Sen. Imee Marcos kaugnay ng mga komento ni Mendoza. (Larawan: Heidi Mendoza / Fb)